Isang paraan ng paghihipit ng sinturon ngayong panahon na mataas ang gastusin sa mga bilihin ang pagtitipid sa konsumo ng kuryente. Totoo nga ba na mas matipid sa konsumo ng kuryente ang mga appliances na malinis?

Sa programang "Unang Hirit," itinanong kay Engineer Joel Sagun, head ng Meralco Power Lab, kung epektibo nga ba ang mga tipid kuryente tips na sinusunod ng netizens. Katulad ng paglilinis ng appliances para hindi ito maging takaw-kuryente.

"Usually sinasabi namin talaga na lagi dapat linisin 'yung ating appliances, especially 'yung aircons. Kasi kapag hindi mo nilinis ang mga aircon, nagkakaroon ng clog, hindi niya maibigay 'yung todong lamig na kailangan mo," paliwanag ni Sagun.

"Ang tendency mo niyan, i-a-adjust mo 'yung aircon mo na maging malamig, which is ang naibibigay naman niya mababa pa 'pag malinis 'yung aircon. So talagang merong epekto 'yan," dagdag ni Engr. Sagun.

Samantala, hindi raw totoo na dapat lagyan ng kape ang wire ng kuryente para makatipid sa kuryente.

"Wala pong basehan kasi actually unsafe siya. Kasi ang kape, liquid siya, water, good conductor siya for electricity," sabi ni Sagun.

Pero may katotohanan nga ba na mas tipid ang konsumo ng kuryente sa gabi kaya may mga tao na ginagawa ang pamamalantsa sa gabi? Alamin ang paliwanag ni Sagun sa video.--Jamil Santos/FRJ, GMA News