Inilapit sa "Sumbungan ng Bayan" ng isang babae ang kaniyang problema tungkol sa naiwang pera nila sa joint account sa bangko na hindi niya makuha nang buo dahil pumanaw na ang ka-partner niya sa account.
Ayon sa babae na itinago sa pangalang Cecille, isang taon na ang lumipas mula nang pumanaw ang ka-joint account niya sa bangko bago niya naasikaso na i-withdraw ang laman sa account na aabot sa P20,000.
Pero sabi umano ng bangko, P10,000 na lang ang maaaring ibigay sa kaniya at ipi-freeze ang natitirang kalahati. Maibibigay lamang umano ang natitirang halaga kay Cecille kung maibibigay niya ang mga kailangang dokumento tulad ng extra-judicial settlement.
Ayon kay Atty. Ian Sia, naging tipikal na problema raw ang naturang usapin gaya kay Cecille nitong panahon ng pandemic na marami ang biglang pumanaw, at hindi ma-withdraw ng kaanak ang pera sa bangko ng namaypa nilang mahal sa buhay.
Sa ilalim umano ng dating patakaran, sadyang hino-hold ang asset o pera sa bangko ng isang namayapa hanggang hindi naasikaso ang estate tax na dapat bayaran sa Bureau of Internal Revenue.
Pero paliwanag ni Atty. Sia, sa ilalim ng ipinasang The Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law (TRAIN Law), pinadali na ang proseso sa pagpapalabas ng bangko sa pera ng pumanaw para maibigay sa kaniyang mahal sa buhay.
Sa TRAIN law, pinapayagan na ang bangko na ang magkaltas sa 6 percent na estate tax sa bank account ng namayapa.
Inihalimbawa niya na kung may P1 milyon na naiwan sa bank account ng namayapa, agad na kakaltasin ng bangko ang P60,000 na estate tax kaya hindi na buong P1 milyon ang matatanggap ng mahal sa buhay.
Ngunit ang naturang patakaran ay pasok lang sa loob ng isang taon mula nang pumanaw ang may-ari ng bank account. Pagkapos nito, muling iiral ang dating proseso na extra-judicial settlement at pagbabayad ng estate tax, at iba pa.
Pero may paraan pa kaya si Cecille upang makuha ang natitirang laman ng kaniyang bank account, o baka mas mapagastos lang siya sa paglapit sa abogado para sa mga kakailanganing dokumento ng bangko? Panoorin sa video ang buong talakayan.--FRJ, GMA News
