Literal na pagkain na, naging bato pa ang karanasan ng isang mag-asawa nang umorder sila ng mga de-latang pagkain online pero mga tipak ng bato ang dumating sa kanilang bahay.

Sa programang "Sumbungan ng Bayan," ikinuwento ni Annie Park, na ang mister niyang Koreano ang umorder online ng mga Korean food product na de-lata.

Nang dumating ang inorder sa kanilang bahay, nasa kahon ito at hindi kaagad binuksan ni Annie dahil sa pag-aakalang mga spam na de-lata ang laman dahil mabigat din naman.

Nalaman lang ni Annie na bato ang laman ng kahon nang sabihin sa kaniya ng kaniyang mister na tingnan ang kaniyang mga inorder.

Kaagad daw ipinaalam ni Annie sa kaniyang mister na mga bato ang laman ng kahon. Ang mister din niya ang nakipag-usap sa online seller na tumangging i-refund ang kanilang order sa katwiran na natanggap na ang produkto.

Idinadahilan din ng online seller na maaaring pinalitan daw ng courier o nagdeliver ang inorder na produkto.

Pero ayon kay Atty. Laika Coral, karapatan ng mga buyer na katulad ni Annie sa ilalim ng Consumer Protection Act na humiling sa seller ng repair, replaced o refund, kapag may problema sa produktong nabili kahit sa online.

Ipinaalala rin ni Atty. Coral na ang transaksyon sa pag-order online ay sa pagitan lang ng buyer at seller, hindi kasama ang courier.

Kaya kung magkakaroon man problema gaya sa sinasabing posibleng "napalitan" sa produkto, ang seller umano ang dapat makipag-usap sa courier, at hindi ang buyer.

Ano nga ba ang maaaring gawin ng mga online buyer kapag nagkaroon ng katulad na problema ni Annie? Tunghayan ang buong talakayan sa video ng "SNB." --FRJ, GMA News