Umaasa ang isang ginang na bulalakaw na may malaking halaga ang bumagsak sa kanilang bakuran at naging isang maitim na bato.
Sa kuwentong Dapat Alam Mo! ni Oscar Oida, ikinuwento ni Rufina Sapla na nakakita siya nang bumubulusok na maliwanag na bagay na galing sa langit at bumagsak sa bakanteng lote ilang taon na ang nakararaan.
"Diyan po sa may kinatatayuan ng malaking malunggay, 'yung pinakamataas po, wala pong tanim 'yun. Doon ko po nakitang lumapag 'yung parang maliwanag na galing sa langit, parang bulalakaw," sabi ni Rufina.
Malakas ang kutob ni Rufina na may halaga ang bato na kaniyang napulot dahil na rin sa napanood niya sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."
"Napanood ko po 'yung kay Ma'am Jessica Soho. Sabi ko, kaparehas na kaparehas," sabi ni Rufina, na naghihinalang meteorite o maliit na bahagi ng isang kometa, asteroid o meteoroid ang kaniyang bato.
Nama-magnet din ang bato at kumikinang, na lalong nagpatibay sa paniwala niyang meteorite ang kaniyang napulot.
May habang tatlong pulgada at taas na dalawang pulgada samantalang nasa mahigit kalahating kilo ang bigat ng bato ni Rufina.
Ang halaga ng isang meteorite ay depende sa classification, rarity, at kung may nakasaksi nang bumagsak ito.
Bulalakaw nga kaya na may halaga ang napulot na bato ni Aling Rufina? Alamin ang paunang imbestigasyon ng rock and mineral collector na si Abraham Catiis tungkol dito. Panoorin. --FRJ, GMA News
