Bukod sa mura, maganda ang aesthetics na ipinapakita ng DIY braces online. Kaya may ilan na naiingganyo na bumili at magpakabit nito. Gayunman, may kaakibat itong peligro sa halip na ipagawa sa tunay na dentista. Gaya ng nangyari sa isang lalaki na halos masira nasira ang ngipin.

Sa programang "Pinoy MD," ikinuwento ni Liam Dominno na mayroon siyang deep bite, kaya gusto niyang masolusyunan ang itinutukso sa kaniya na para umano siyang bungi.

Bukod dito, naobserbahan din ng kaniyang mga tita na tila lumalala ang kaniyang kaso. Hindi na raw kasi nakikita ang ngipin ni Dominno tuwing nagsasalita siya.

Pero dahil mahal ang magpakabit ng braces sa totoong dentista, nagpasya si Dominno na magpakabit ng murang DIY braces na nakita niya online.

Nagpakilala ang nagkakabit ng DIY braces na isang assistant dentist sa dental clinic sa Bulacan. Nagbayad si Dominno sa halagang P5,000 kasama ang libreng installation, na downpayment pa lamang ang katumbas kung sa lehitimong dentista.

"Medyo scary po talaga 'yung lugar since may mga pets sila. Huwag ko na lang daw pansinin. I don't think na sterile siya. Naka-gloves naman siya so feeling ko naman malinis," sabi ni Dominno, na isang tourism student.

Makalipas ang tatlong araw, naramdaman na ni Dominno ang sakit sa kaniyang ngipin. Depensa naman ng nagkabit, normal lamang ang sakit na kaniyang nararamdaman.

"Ang parang hindi normal sa akin is hindi ako maka-bite nang maayos to the point na kahit super malambot na food hindi ko talaga siya manguya kasi hindi ko mapagdikit 'yung baba, taas ko na ngipin," anang binata.

"Super sumasakit po 'yung panga ko noon kasi kapag nagsasalita ako may nagpa-pop siya rito (panga). Tapos napansin ko dapat bababa nang konti lang, sumusobra na 'yung baba niya. Akala ko matatanggal 'yung isa kong ngipin sa itaas," dagdag ni Dominno.

Ayon kay Dr. Darwin Ferrolino, orthodontist ng Variahealth Dentistry, Medicine and Esthetic, posibleng mali ang pagkakalagay ng brackets ng braces kay Dominno kaya nagkaroon ng malocclusion o bumagsak ang kaniyang ngipin.

Posible ring hindi nasunod ang sukat na sinusunod ng mga dentista sa pag-adjust ng ngipin. Ang resulta, maaaring maipit ang buto sa panga.

Dahil dito, nagpapa-adjust si Dominno sa nagkabit sa kaniya ng braces kada buwan sa loob ng tatlong taon.

"Doon ko na napansin na parang hindi na normal 'yung uga ng ngipin ko. Umuuga na siya talaga so natatakot na ako kasi baka matanggal na. Ang sakit na talaga ng ngipin ko to the point na sumasakit na rin 'yung ulo ko and nagla-lock na rin 'yung panga ko," sabi ni Dominno.

Matapos ang tatlong taon, ipinatanggal na ni Dominno ang kaniyang DIY braces. Naging triple naman ang kaniyang gastusin sa pagpapaayos sa lehitimong dentista.

"Kung 'yung original price P60,000, siguro mas lagpas pa roon 'yung nagastos ko dahil sa mga ginawa pang procedure sa akin," sabi ni Dominno.

Ang nagkakaisang payo nina Ferrolino at Dominno, sa tunay na dentista kumonsulta para makaiwas sa disgrasya at mas malaking gastos kapag nagkaproblema.-- FRJ, GMA News