Senyales nga ba ng isang karamdaman ang madalas na pag-ihi sa gabi, at delikado ba sa babae na mabuntis agad kahit ilang buwan pa lang ang nakalilipad mula nang nakapanganak?
Sa programang "Pinoy MD," sinabi ni Dr. Raul Quillamor, na ang balisawsaw o madalas na pag-ihi sa gabi ay posibleng sintomas ng urinary tract infection (UTI), o kung may abnormalidad sa pantog o urinary bladder ng isang tao.
Maaari din itong mangyari sa mga babae na may mga myoma, o bukol sa matris kung saan naiipit ang pantog.
Dagdag ng duktor, posible ring mangyari ito dahil sa lumalaking ovarian tumors kaya nagkakabalisawsaw ang isang babae.
Samantala, para naman sa mga babaeng nagpaplanong muling magbuntis, sinabi ni Quillamor na maaaring mabuntis ang babae tatlong buwan matapos nitong makapanganak.
Ngunit babala niya, maaari itong magdulot ng problema dahil hindi pa "physically" o "nutritionally ready" ang katawan ng babae.
Sinabi ni Quillamor na mahalaga sa babaeng kapapanganak pa lang na magkaroon siya ng recovery period.
"The best time for that particular woman to get pregnant will be about two to three years," payo ng doktor.
Alamin sa video ang kasagutan sa iba pang tanong tulad ng ano ang mga sintomas ng cancer sa reproductive system. Panoorin. --FRJ, GMA News
