Kapag umaga, paarawan si baby. Kapag sinunok, lawayan ang sinulid at ilagay sa noo ni baby. Anu-ano nga ba ang mga nakagawian na pag-aaruga kay baby na may basehan o sadyang pamahiin lang?

Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa "Dapat Alam Mo!," ibinahagi ng mga mommy na sina Jennylyn Paglinawan at Maxene Arnecilla, na ginagawa pa rin nila sa kani-kanilang bagong baby ang tradisyunal na pag-aalaga sa anak.

Paliwanag ni Jennylyn, wala namang mawawala kung susundin ang tradisyunal na paraan ng pag-aalaga kahit pa ang iba ay itinuturing na pamahiin.

"Saka parang totoo naman siguro," saad niya.

Kabilang sa paraan ng pag-aalaga niya sa kaniyang baby ay paarawan ito tuwing umaga nang hanggang nasa 20 minuto.

Itinataas pa niya ang damit ng sanggol para maarawan ang likod nito.

Ginagawa ito ni Jennylyn dahil sa paniwala niya na lalakas ang baga ng bata kapag napaarawan at para hindi manilaw ang balat.

Kapag sinunok naman ang sanggol, ang sinulid na nilawayan ang inilalagay niya sa noo ni baby.

Ayon kay Jennylyn, nawawala naman daw ang sinuk pagkaraan ng ilang saglit.

Kung kinakabag naman si baby at naging iritable, ang pagpahid ng "mansanilla" oil sa tiyan ng bata ang kaniyang ginagawa.

Ilang saglit lang, uutot daw si baby at gagaang na ang pakiramdam.

Si Maxene, kasama naman sa routine sa umaga ang paghilot o pagmasahe sa bahagi ng tuhod at binti ni baby.

Ginagawa niya ito para mabilis daw na makapaglakad ang sanggol at hindi maging sakang.

Ganito raw ang ginawa niya sa kaniyang panganay na anak na naging epektibo raw.

May basehan nga ba at dapat ipagpatuloy ang paraan na ginagawa nina mommy Jennylyn at Maxene sa pag-aalaga ng kanilang mga baby? Alamin ang pananaw ng isang duktor tungkol dito. Panoorin ang buong kuwento.-- FRJ, GMA News