High school students noong 2012 nang mapagdiskitahan na biruin ng mga kaeskwela sina Arjay at Kimmy na "ikasal" sa marriage booth. Pero sinong mag-aakala na pagkaraan ng 10 taon, sila pala talaga ang itinadhana para sa isa't isa.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nagsimula ang nakakakilig na love story nina Arjay at Kimmy sa Madapdap Resettlement High School sa Mabalacat, Pampanga.

"Third year high school po kami that time. Pagkakita ko kay Arjay nun, nagniningning po 'yung mata niya," kinikilig na sabi ni Kimmy. "Love at first sight ba 'yon?"

Aminado rin naman si Arjay na nakuha rin agad ng cute na si  Kimmy ang kaniyang atensyon dahil sa laging may ribbon ang buhok nito.

"'Pag dumadaan siya tapos napapatingin ako sa kaniya. Lagi kaming nagiging groupmates sa mga team activities," kuwento ni Arjay.

Pero hindi lang-cute ang ginagawa ng dalawa sa isa't isa. Dahil kasama rin sila sa mga top student sa klase. Si Arjay ang laging una, habang nasa pang-siyam naman si Kimmy.

Kung mahiyain si Arjay, certified Miss Congeniality naman si Kimmy sa pagiging palakaibigan.

"Sobrang friendly niya," sabi ni Arjay kay Kimmy. "Minsan nagseselos ako kasi sobrang dami niyang ka-close."

Para mapalapit kay Arjay at sumibol ang kanilang pagiging magkaibigan, imi-istayl si Kimmy na kunwaring hindi niya alam sa subject at magpapatulong.

"[Pero] kahit po na may crush ako kay Arjay, hindi po talaga ako yung nagfi-first move that time kasi nahihiya po ako," kuwento niya.

Kaagad naman napansin ng kanilang mga kaklase ang spark sa dalawa. Kaya nakatuwaan sila sa isang okasyon at wala silang kamalay-malay na dadalhin sa marriage booth.

"Pagkakita ko, si Arjay po 'yung isang nakaposas. Siyempre sa loob-loob ko e crush ko nga po siya. Medyo kinakabahan na kinikilig," ayon kay Kimmy.

Hindi naman naiwasan ni Arjay na mahiya sa dami ng tao sa kanilang paligid nang sandaling iyon.

Ang biru-biruan na iyon, naging daan naman para magpahayag na rin ng kaniyang tunay na damdamin si Arjay kay Kimmy.

"May video nun tapos kumalat na, naging tampulan na kami ng tukso tapos hanggang sa naisipan ko na siyang ligawan," sabi ni Arjay.

Kahit hindi pa puwedeng magnobyo si Kimmy, pinayagan na lang niyang manligaw muna sa kaniya si Arjay.

"Parang mutual understanding na rin po kami noon," anang dalaga.

Nang magkolehiyo, kinailangan nilang maghiwalay ng landas, at subukin ang long-distance relationship. Si Kimmy, sa San Fernando nag-aral, habang sa Mabalacat naman si Arjay.

Wala pa silang mobile phone noon, at kung minsan ay isang beses lang sa isang buwan sila magkita.

"Kinu-question ko na po 'yung sarili ko na 'Lord, si Arjay na po ba talaga?' ganyan. 'Kung siya na po talaga bigyan Ninyo po ako ng sign,'" ani Kimmy.

Ang pagsubok sa kanilang relasyon, matagumpay nilang nalampasan.

"Siya 'yung una at huling babaeng niligawan ko. Siya 'yung unang nagparamdam sa akin na special ako saka mahalaga," pahayag ni Arjay.

At pagkaraan ng anim na taon, ginawa na nilang opisyal ang kanilang relasyon.

"Naisip ko po na sasagutin ko na siya nung after graduation po talaga namin, sa Baguio. Sinagot ko siya sa Mines View. 2:17 p.m., tandang-tanda ko pa 'yung time," masayang sabi ni Kimmy.

At sa isang kaarawan ni Kimmy, nag-propose ng kasal si Arjay. Pero kasamang pumasok sa isip ni Kimmy ang kaniyang mga magulang.

"Akala ko nga po dahil birthday ko lang po 'yun, 'yung cake saka 'yung bouquet," aniya. "Magpo-propose na po siya. Nagulat ako imbes na yes po 'yung una kong masabi, 'Nagpaalam ka ba kay Mama?'"

Nang sabihin ni Arjay na nagpaalam naman siya, nakuha na niya ang sagot na "yes" ni Kimmy.

Alay din ng dalawa ang kanilang pagpapakasal sa lola ni Arjay na boto sa kanilang pagsasama. Gayunman, pumanaw kanilang lola bago ang kanilang kasal.

Sa araw ng kanilang kasal, hindi pa rin nila maalis ang nauna nilang "kasal" sa eskwelahan.

"Agad po akong naiyak talaga nun kasi naalala ko nung marriage booth pa lang kami," sabi ni Kimmy. "Who would have thought, nagkatotoo into real-life wedding."

Para naman kay Arjay, nangyayari talaga ang mga pangarap.—FRJ, GMA News