Madalas mang kinatatakutan ang mga patay, nagbibigyan naman ito ng hanapbuhay sa ilan. Katulad ng isang padre de pamilya na kumikita sa pagbutas ng mga nitso sa sementaryo, at ang babaeng gumagawa ng kuwintas na "green bone" ng yumao ang pendant.
Sa programang "iJuander," sinabing pinili nang maging tirahan ni Mang George Moreno ang isang sementeryo sa San Pedro, Laguna.
Si Moreno na ang nagsilbing caretaker nang pumanaw ang tatay ng kaniyang misis, na dating caretaker ng mga puntod.
"Unang-una natatakot sa sementeryo kasi 'pag sinabing sementeryo maraming patay. Sa ngayon medyo okay na po ang pakiramdam ko. Tsaka mas gugustuhin ko nang tumira sa ganitong lugar gawa ng tahimik. Hindi kagaya sa labas na maingay, laging may gulo," sabi ni Moreno.
Paggawa ng lapida ang unang natutunan ni Moreno sa sementeryo, kung saan P1,000 ang kinikita niya sa bawat lapida. Inaabot siya ng dalawang oras kada piraso.
Dalawang beses naman kada linggo kung magbutas ng nitso ang grupo nina Moreno na "Tiktik Boys" para kunin ang mga buto na hiling ng mga kliyente.
"Natatakot ako ma'am, kasi ayaw kong humawak ng buto noon. Nanginginig, nasuka pa ako, hindi ko kaya. Noong tumagal, sanayan din po, sabi nila, nasanay na rin ako. Sa ngayon, normal na lang din po 'yung paghugot ng buto," sabi ni Moreno.
Sa Caloocan City naman, piniling maging negosyo ni Anna Mae Mones, ang paggawa ng mga pendant at necklace na gawa sa "green bone" o mga natirang buto matapos i-cremate ang isang yumao.
"Masaya po, nakaka-touch. Siyempre sobrang halaga ng green bone kasi loved ones po nila 'yun, family nila. Then ikaw ang pagkakatiwalaan na gumawa ng ganu'n. Sobrang grateful po," sabi ni Mones.
Tunghayan sa iJuander ang proseso ng pagbubutas ng nitso at pagkuha sa buto ng isang yumao na ginagawa ng grupo ni Moreno, at ang paggawa ni Mones ng mga pendant gamit ang buto ng isang na-cremate na.
Paano nga ba nagkakaroon ng tinatawag na "green bone" ang isang tao? Panoorin.--FRJ, GMA News
