Kahit gabi na, may mga tao na hirap sa kanilang pagtulog. Kaya gumagawa sila ng autonomous sensory meridian response (ASMR) o mga nakare-relax na tunog para dalawin sila ng antok. Ang mga pampakalmang tunog na puwede ring gawin at panoorin? Alamin.

Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Victoria Tulad, sinabing ang ASMR ay isang relaxing at karaniwang pampatulog na pakiramdam na nagmumula sa ulo pababa sa katawan.

Naging hamon noon sa 20-anyos na ASMR artist na si Mark Joshua Sevilla ng Pandi, Bulacan na dapuan ng antok.

"Nahihirapan po akong makatulog kasi marami po akong iniisip sa schools, sa mga problema sa bahay. Mas gusto ko pong pinapanood 'yung mga boring ASMR videos po kasi the more nabo-bored ako, the more dinadatnan po ako ng antok," sabi ni Sevilla.

Kaya naman gumawa siya ng mga ASMR gamit ang iba't ibang bagay tulad ng plastic spoon, garapong may tubig at laruang pambata, at iba pa.

Nang i-upload ni Mark ang kaniyang ASMR videos, kumikita na siya ng P10,000 hanggang P15,000 kada buwan, at nakinabang din ang mga hindi makatulog.

Tinatapat niya naman sa oras ng tulog na 10 p.m. hanggang 1 a.m. ang kaniyang live broadcast sa Tiktok.

Ang 19-anyos at accounting student naman na si Ymareon sa Abucay, Bataan, hindi gumagamit ng props dahil paandar na sound effects ang estilo niya.

Nagdadagdag din si Ymareon ng visual triggers tulad ng hand movements para i-level up pa ang kaniyang ASMR, tulad ng pagta-tap sa notebook at mga textured na glass.

Umiinom din siya para makagawa ng gulping sounds, at meron din siyang nail tapping at mic scratching.

Madalas na pinanonood ang bug searching, ear cleaning at food-induced sounds na ASMR videos ni Ymareon.

Nilagyan niya ng mga karakter na Kumareng Ymareon, Bestie Ymareon at Ninang Ymareon ang kaniyang ASMR videos.

Tunghayan sa Dapat Alam Mo! kung paano gumawa ng ASMR para makapag-relax at nang makatulog na nang mahimbing sa gabi. --FRJ, GMA News