Matinding trahedya ang sinapit ng isang pamilya sa Muntinlupa City nang masawi ang 10 miyembro nila dahil sa sunog. Ano nga ba ang mga dapat tandaan upang makaligtas kapag nangyari ito?

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras” ngayong Lunes, nagbigay ng ilang paalala si Muntinlupa City Fire Marshall Fire Superintendent Eugene Briones, kapag nagkaroon ng sunog o nakulong sa bahay na nasusunog.

Napag-alaman na may fire exit ang bahay ng pamilyang nasunugan sa Barangay Putatan noong Linggo. Pero hindi na nila ito nagamit at nanatiling may kandado. 

READ:  Bilis at dami ng namatay sa sunog sa Barangay Putatan, palaisipan sa BFP-Muntinlupa

Ayon kay Briones, kung may kandado ang fire exit, dapat ilagay ang susi sa madaling makikita upang madaling makuha kapag nagkaroon ng emergency.

Pero tiyakin naman na malayo ang susi at hindi makukuha ng magnanakaw na nais pumasok sa bahay.

Ayon sa ulat, importante rin na may smoke detector para maalerto ang nakatira sa bahay kung may usok, at fire extinguisher para magamit sa pag-apula sa apoy.

Tandaan din ang salitang S.A.F.E., na may katumbas na kahulugan kontra-sunog ang bawat letra.

Ang "S" ay para sa "sound the alarm" para gisingin o ipaalam sa mga kasamahan sa bahay ang nagaganap na sunog para makalikas.

Pero kung nakulong na sa kuwarto dahil sa sunog, makabubuting takpan umano ang mga butas o siwang upang hindi makapasok ang usok.

May mga biktima na nasasawi sa sunog dahil sa nalanghap nilang usok, at hindi dahil sa apoy.

Ayon kay Briones, puwedeng gamitin ang mga bagay tulad ng tela para mabarahan ang butas o siwang sa kuwarto para hindi pumasok ang usok.

Ang "A" naman ay "advise the fire department," o magtawag ng bumbero. Pero puwede ring umanong subukan ang "F," o "fight the fire," habang hinihintay ang pagdating ng mga bumbero.

"Tatlo lang naman ang elemento ng fire," sabi ni Briones. "Heat, fuel, oxygen. Kapag tinanggal mo ang oxygen, 'di na 'yan [sunog] makahinga, patay 'yan."

Patuloy ng opisyal, "Di [ba] mainit [ang apoy]? Tubigan mo, lalamig siya, patay siya. Sa three elements, magtanggal ka lang ng isa, patay na siya [sunog]."

Ang "E" naman ay para sa "evacuate," o lumabas mula sa nasusunog na bahay.

Kahit may usok, sikapin umanong lumabas.

"Kuwarto ito, pinto iyon. Paglabas ko sobrang usok, five second pigilan ko hininga ko. Yung apoy eh kung may cover ka nga hindi ka naman basta-basta masasaktan," patuloy niya.

Sa isang panayam, sinabi rin ni Biones na dapat  gumapang kapag mausok dahil mas mahina ang epekto ng usok sa ibaba. --FRJ/KG, GMA Integrated News