Isang babae ang dumulog sa programang “Sumbungan ng Bayan” dahil ayaw umanong magbayad ng utang ng dati niyang nobyo na aabot sa halos P30,000. Ito ay kahit hiwalay na sila dahil nalaman niyang may pamilya na pala ang lalaki.
Ayon kay Jenny, hindi niya tunay na pangalan, umabot raw sa higit isang taon ang kanilang relasyon.
Pero nalaman niya raw na niloloko siya ng kaniyang ex-boyfriend nang makarating sa kaniya ang paninira umano ng ex-partner ng kaniyang karelasyon sa social media.
“Nakarating sa akin through friend. Inalam ko rin kung totoo ‘yun. Kasi inaakusahan niya akong kabit, mang-aagaw, siya ang tunay na asawa, which is hindi naman po kami kasal ng partner ko dati,” paliwanag ni Jenny.
“Inalam ko rin kung totoo nga ba talaga… kasi ang sabi niya sa akin [ex-boyfriend] bago kami nagkakilala, bago ko siya tinanggap, sabi niya hiwalay na sila ng five years. So inaccept ko siya, inalam ko rin… pumunta ako sa bahay nila at sabi hindi daw talaga sila kasal,” dagdag pa niya.
Ibinahagi rin ni Jenny na inoperahan ang kaniyang dating karelasyon dahil sa aksidente noong 2021.
Dahil naging komplikado ang operasyon, kinailangan niyang maging guarantor bilang nagtatrabaho rin siya sa ospital, para mapunan ang kakulangan sa pambayad sa ospital nito.
“Actually, aware rin siya kung magkano ang naging balance niya sa ospital, kung magkano ‘yung babayaran ko as guarantor, aware siya. [Sinabi ko] ang sa lahat ng hospital bill niya,” sambit ni Jenny.
“Una sinabi ko dahil naiintindihan ko dahil wala na siyang trabaho noon… sige go ako na muna ang sasagot sa lahat ng expenses mo during treatment hanggang sa gumaling ka,” dagdag pa niya.
Nagsimula raw maningil si Jenny sa kaniyang ex-boyfriend nitong August 2022 pero hindi na raw siya pinapansin nito.
Dumating din daw sa punto na kinakausap niya pamilya ng kaniyang ex-boyfriend at nagpadala ng demand letter pero hindi pa rin siya kinausap nito.
“Ayaw niyang magbayad, sir. Ang gusto niya mag-ayos kami. Sabi ko mag-aayos tayo, bakit para maging kabit ako? Eh ayaw ko nga nu’n,” giit pa niya.
“Pero may nakarating din sa akin [mula] sa close friend niya, ang sabi niya ‘wala raw siyang pakialam sa pinadala kong demand letter na pinadala ko last December 2022,” patuloy ng babae.
Para sagutin kung ano ang maaaring ireklamo ni Jenny, tinanong muna ni Atty. Conrad Leano kung kasal nga ba ang ex-boyfriend niya at kung may kopya ng CENOMAR na nagpapatunay na kasal nga ito.
Sabi ni Jenny, “Yes po Atty. Wala po akong na-request kasi parang nagtiwala na lang din ako sa sinabi ng pamilya niya, mismo siya rin sinabi niya sa akin… parang naniwala lang ako doon eh. Hindi ako naghanap ng proof kung kasal nga ba kayo o hindi.”
Ipinaliwanag ni Leaño na puwedeng magreklamo si Jenny at ang asawa umano ng naging ex-boyfriend niya ng Violence Against Women and Children o RA 9262.
“So parehong kaso ni Jenny pati yung let’s say talagang may asawa ‘yung ex-boyfriend ni Jenny would fall under ‘yung psychological violence because on the part ng asawa ng ex-boyfriend that would fall under marital infidelity,” saad ni Leaño.
“On the part naman ni Jenny, that would fall under public ridicule or humiliation kasi nababansagan na siyang kabit… so on that aspect pupuwede siyang sampahan ng violence against women and children for psychological violence,” dagdag pa niya.
Concubinage
Paano naman kung nagsampa ng kaso ang tunay “asawa” ng lalaki?
“Sa kaso kasi ni Jenny, ang posible lang na maikaso laban sa kaniya at ‘yung sa ex-boyfriend niya yung kasong concubinage that is ‘yung pakikiapid ng lalaking may asawa. Pero sa batas kasi natin medyo may kondisyon ang batas para makasuhan mo siya ng concubinage,” paliwanag ni Leaño.
“Ang kaibahan niya kasi sa adultery, ‘yung adultery once na nagloko si misis, ‘yung act lang ng pagloloko niya is sufficient na for misis to be charged of adultery. Pero sa concubinage hindi ganoon kadali,” sambit pa nito.
Ayon sa abogado, bago kasuhan ng concubinage, kinakailangang ibinahay ng lalaki ‘yung kabit niyang babae doon sa conjugal house nila.
Kailangan din daw na ang relasyon ng kabit at asawang lalaki ay “scandalous.”
“Dito sa kaso ni Jenny, we did not hear anything scandalous doon sa pagsasama nila unless there is a scandalous circumstance that may merit the filing of concubinage that is the only time na pupwedeng sumabit si Jenny dito, pero sa ngayon mukhang hindi naman,” diin ni Leaño.
“So as for Jenny, whether alam niya kung may asawa ‘yung lalaki o wala as long as hindi naging scandalous ‘yung pagsasama nila o hindi itinira si Jenny doon sa conjugal house ng lalaki at lawful wife niya hindi pupwedeng i-charge si Jenny dito ng concubinage,” aniya pa.
Utang
Mayroon bang batas na naglalahad ng karapatan o hatian sa magkasintahan pagdating sa pagbabayad tulad ng hospital bills?
Tinanong muna ni Leaño kung nagsasama ba si Jenny at ng kaniyang ex-boyfriend, bagay na itinanggi ng babae.
Ayon kay Leaño, ang hatian daw ng mga pagmamay-ari ay puwedeng lamang sa mag-asawa at kung ano man ang naitulong ni Jenny sa kaniyang ex-boyfriend wala silang pupuwedeng maging hatian.
“Unless, let’s say hindi naman sila nagsasama at let’s say bumili sila ng property [halimbawa] kotse, pupuwede nating i-apply suppletory. Ibig sabihin by analogy yung provisions ng family code,” paliwanag ng abogado.
“Pupuwede nilang i-determine ‘yung shares nila through actual contribution kung magkano talaga ang inilabas ng bawat isa. So halimbawa nakabili sila ng isang kotse, sa halagang P100,000, si Jenny ay naglabas ng P70,000 ang kaniyang ex-boyfriend ay P30,000, so ang kanilang magiging hatian is up to extent sa kanilang actual contribution,” saad pa niya.
“Pero kung ganito sa mga expenses, gaya sa hospital expenses, walang sinasaad ‘yung batas kung papaano ang magiging obligasyon nila kasi sa family code natin ang mga obligasyon lang talaga to support one another are husband and wife. Pero pagdating sa non-cohabiting parties walang nakasaad doon,” dagdag pa ni Leaño.
Pero iginiit ng abogado na kailangan pa ring magbayad ng ex-boyfriend ni Jenny.
“So kung ano man ang naitulong ni Jenny sa ex-boyfriend niya that is actually, willingly and voluntarily niyang ginawa. Pero kailangang bayaran ng ex-boyfriend niya kasi hindi naman talaga sila nagsasama at ‘yung perang inilabas niya ay sariling pera niya lamang, walang karapatan doon at kahati doon ‘yung naging ex-boyfriend niya,” ani Leaño.
“So, in this case, pupuwedeng magsampa si Jenny ng small claims… because the amount involves only P30,000,” dagdag pa niya.
Tunghayan sa video ang buong talakayan sa naturang usapin. --FRJ, GMA Integrated News
