Sa edad pa lang na 14-anyos, nagiging tampulan na ng tukso na si Bombom Macabebe dahil sa "makulimlim" niyang kilikili at "choco" batok. Ano nga ba ang dahilan ng pangingitim ng naturang bahagi ng kaniyang katawan at paano ito malulunasan?

Sa programang “Pinoy MD”, sinabing mayroon nang 2.5 million views sa TikTok ang video ni Bombom na makikita ang maitim niyang kilikili. 

Sa video, pinagpistahan ng netizens sa puna ang kilikili ni Bombom nang itinaas niya ang kaniyang mga braso habang nagkakasiyahan sila.

Kuwento ng ina ni Bombom na si Emily, madali raw maapektuhan noon ang kaniyang anak kapag inaasar dahil sa maitim na kilikili at batok.

“'Pag ganoon umiiyak na lang. Sabi ko umiwas ka na lang bumaba ka na lang. [Pero sabi niya] 'kasi mama ang sakit-sakit kasi kung laitin ako grabe,'” anang ginang.

Kaya para pumuti kahit papaano ang kaniyang batok at kilikili, iba’t ibang home remedies ang sinusubukan ni Bombom. Gaya ng paglalagay ng katas ng kalamansi at pagpahid ng baking soda na hinaluan ng tubig.

Pero wala raw epekto ang mga home remedies sa kaniya.

“Sabi po sa akin, gumamit daw po ng kojic, [sinubukan] ko po. Hindi po tumatalab kasi nagpapa-araw pa rin po ako. Tapos calamansi raw with baking soda, [sinubukan] ko rin po,” sabi ni Bombom.

Hindi naman daw ganito noon ang batok at kilikili ni Bombom pero unti-unti daw itong umiitim sa kaniyang paglaki.

Hinala ni Emily, may kinalaman ang gana sa pagkain ng anak kaya nangingitim ang batok at kilikili nito.

Aminado naman si Bombom na magana siyang kumain lalo na kapag galing sa paglalaro.

"Nag-play po kami ng volleyball and pagkauwi po gutom na gutom po ako kaya dinadamihin ko po ‘yung kanin ko nu’n. Kasi kapag isang rice parang nabibitin sa akin. ‘Yun dinadamihan ko na hanggang sa tumaba ako ng ganito, umitim ang leeg ko at kilikili ko,” saad naman ni Bombom.

Nang samahan si Bombom para ipasuri sa dermatologist na si Dr. Jean Marquez, nakumpirma na may kinalaman ang diet sa maitim na kilikili at batok ng binatilyo.

“Ang nangyayari kasi diyan ‘yung insulin actually that’s the one that stimulates pigment production dito sa areas kagaya ng kilikili, ng batok or minsan sa singit," paliwanag ni Dra. Jean.

"Kung kaya’t kumakapal at nangingitim. Tapos kung minsan ‘yung texture niya parang velvety o madulas. And nakita ko rin na mayroon skin tags sa kilikili so that’s actually very common with obese patients," dagdag niya.

Ayon sa mga eksperto, ang insulin ay isang hormone na tumutulong para ang asukal na pumapasok sa katawan at mapalitan ng enerhiya.

Pero sa mga mabibigat ang timbang, minsan hindi na raw tumutugon sa insulin ang kanilang katawan. Dahil dito, maglalabas ng sobra-sobrang insulin at nagdudulot ng pangingitim ng iba’t ibang parte ng katawan.

Dahil dito, posible umanong may insulin resistance na si Bombom sa edad pa lang niyang 14. Lalo’t aminado siyang malakas siyang kumain ng kanin at ng matatamis.

Malaki rin daw ang posibilidad na mataas na ang blood sugar ng bata.

Para mabawasan ang pangingitim ng kilikili at batok ni Bombom, isinailalim siya sa StarWalker Deo Laser. Sa pamamagitan ng init na mula sa laser ay mababawasan ang pigmented cell sa balat.

Pero sa kaso ni Bombom, kailangan ng ilang sessions para makita ang resulta ng pagputi ng kaniyang balat.

Dapat din daw pagtuunan niya ang tamang diet dahil maaari ring magkaroon ng iba pang delikadong karamdaman kapag hindi kumain ng tama.  -- FRJ, GMA Integrated News