Para sa isang babae na nag-asawa at nagkaanak sa edad na 18, kailangan daw pag-isipang mabuti ang desisyon sa maagang pag-aasawa para walang panghinayangan sa huli.
Ito ang ibinahagi ni Mary Joy Espineda na isa sa dabarkads guest choices sa segment na “Bawal Judgmental” ng "Eat Bulaga" nitong Miyerkules.
“Sa akin po, siguro pag-isipan po ninyong mabuti. Kumbaga huwag tayong magpadala sa bugso ng damdamin na mahal mo siya o kapag nabuntis ka papakasalan agad. ‘Yung ganoon po. Sana pag-isipan mabuti,” pahayag ni Mary Joy nang hingan ng mensahe tungkol sa maagang pag-aasawa.
Kuwento ni Mary Joy, kinailangan nilang magpakasal ng kaniyang mister na si James dahil nabuntis siya nito.
“Kinasal ako, first year college… hindi ko na po natuloy ang [pag-college] since nabuntis na po ako… [Desisyon] po ng magulang ko po dahil nabuntis po ako. Gusto po nilang panagutan niya [ang bata],” aniya.
“Four years po kami mag-jowa bago po kami kinasal... 19 po ang [asawa ko] noong kinasal kami. Buntis po ako noon sa unang anak ko. Eight months po akong [buntis] nang kinasal kami,” patuloy niya.
Nakapagtapos naman daw sa kursong BS Business Administration major in Marketing Management si James, sa tulong ng mga magulang nito at may maayos na trabaho ngayon.
Gayunman, aminado si Mary Joy na mahirap ang pag-aasawa sa murang edad.
“Mahirap na masaya. Mahirap kasi maagang naging ina. ‘Yung responsibilidad po bilang ina na nag-aalaga ng bata. Tapos imbes na nag-aaral pa po ako, na-focus po ako sa pag-aalaga po,” sambit pa niya.
“Dapat po nag-aral muna ako. Sana nagtapos muna ako,” pag-amin pa niya.
Sa anim na taon nilang pagsasama, binanggit din ni Mary Joy na kung minsan may mga hindi sila pagkakaintindihan ng kaniyang mister.
“Pasaway po kasi siya… responsable naman po siyang ama pero ‘yung bagay po na parang binata po,” ani Mary Joy.
Dagdag pa niya, nagtatampo raw siya dahil kung minsan hindi na maalaga si James tulad ng dati.
“Na-miss ko ‘yung sweet moments po,” sabi ng ginang habang katabi sa panayam ang kaniyang mister.
Pero ayon kay James, busy lang siya trabaho at ibang raket para sa pangangailangan ng kaniyang pamilya.
“Hindi po ako napabarkada. Pero ngayon po masyado po akong naka-focus sa pagtataguyod ng pamilya namin. Parang rest day ko na lang mag-online selling pa ako, ‘yung cellphone hawak ko kasi iniintindi ko mga buyer,” paliwanag niya.
Pero kung maibabalik ang panahon at ngayon nangyari na nabunstis siya, tinanong si Paolo Ballesteros si Mary Joy kung magpapakasal pa rin ba siya o hindi na?
"Siguro po opo, magpapakasal pa rin po," sagot ni Mary Joy.
Noong nakaraang Nobyembre, nagpahayag ang pagkabahala ang Commission on Population and Development (POPCOM) sa pagtaas ng teenage pregnancies sa bansa.
Batay umano sa datos ng Philippine Statistics Authority, 31 sa bawat 1,000 nagsisilang noong 2020 ay nasa edad 15 hanggang 19.
Isa sa kanila si Ana, 15-anyos, na sa kaniyang murang edad ay nag-aalalaga na kaniyang dalawang buwang gulang na anak noon.
Ang ama ng kaniyang anak, kainuman umano niya.
Hindi ko po sinabi sa mama ko hanggang sa manganak po ako. Yung pangako ko po sa mama ko hindi ko na natupad. Magtatapos po muna ako bago mag-anak,” ani Ana.--FRJ, GMA Integrated News
