Kilala ang mga Pinoy na malapit sa pamilya kaya ang iba, kahit may sariling pamilya na, kasama pa rin ang mga magulang. Pero kailan nga ba dapat bumukod ang isang mag-asawa at papaano makakasundo ang mga biyenan?
Sa programang "Share Ko Lang," sinabing batay sa isang pag-aaral na inilabas ng Population Studies, 93% ng mga biyenan ang tumutulong sa pag-aalaga ng kanilang mga apo.
Bagaman malaking tulong ito para sa mag-asawa, may pagkakataon umano na tila nakakaramdam din ang mga manugang na nanghihimasok na kanilang buhay ang kanilang biyenan.
Pero dahil sa pagrespeto sa asawa, tinitiis na lang ng manugang na pakisamahan ang kaniyang mga biyenan.
Ayon sa host ng programa na si Dra. Anna Tuazon, kung nasa sitwasyon na medyo malala na at hindi na pinakikinggan, hindi na napoprotektahan, o natutulungan ng asawa, mas makabubuting bumukod na ang mag-asawa.
Inilahad ng panauhin na si Ciara Magallanes, ng Mommy Diaries PH vlog, ang pros at cons sa pagbukod ng mag-asawa mula sa biyenan.
Kabilang ang mabuting idudulot ng pagbukod sa biyenan ay makakakilos nang malaya ang mag-asawa, at mas magagawa ang mga nais gawin. Kapag kasama ang mga magulang, may pagkakataon umano na tila binabantayan ng mga biyenan ang kanilang mga galaw.
"Sa akin po ang mga napansin ko is maganda kasi nakakakilos ako freely. Minsan, 'pag halimbawa tinatamad ako bumangon nang maaga nang mga panahon na buntis ako [ngayon] makakagising ako kung kailan ko gusto, makakatulog din ako kung kailan ko gusto," saad niya.
"So parang hindi ako matatakot na baka sabihin nila tamad ako kasi tulog ako nang tulog. Next naman po is makakakilos ako freely sa bahay kung ano yung gusto kong ayusin or kung may gusto akong gawin," patuloy niya.
"Walang mga matang nakatingin sa'yo. Next po is mas nami-miss din naman yung isa't isa. You know, it made our hearts grow fonder. Mas natutuwa kami makita yung isa't isa na tipong may yakapan pa. And 'yun nga, mas nabawasan yung lukot minsan doon sa pagsasama," paliwanag niya.
Sa "cons," sinabi ni Ciara na minsan ay nahihirapan silang mag-asawa sa pag-aalaga ng anak dahil wala silang katuwang, hindi gaya kapag may kasama sa bahay na biyenan.
"Pero you know, papasok pa rin du'n yung pros na nakakatulong sa aming mag-asawa mas maging independent and mas nakikilala namin yung isa't isa na kaming mag-asawa na kami lang talaga yung nasa bahay," ayon sa ginang.
Ngunit papaano nga ba dapat pakisamahan ang mga biyenan at ano ang mga paraan upang mapabuti ang pakikipagrelasyon sa kanila ng mga manugang? Tunghayan ang buong talakayan sa video. --FRJ, GMA Integrated News
