Tila may kaagaw ang isang pamilya dahil hindi lang isa, kundi sampung tuko na magkakapamilya rin ang nakikitira sa kanilang bahay sa Zamboanga Sibugay. Ang pamilya, hindi makatulog at madalas puyat dahil sa ingay ng mga tuko.

Sa “Born to be Wild,” na iniulat din ng GMA News Feed, sinabing iniinda na ng may-ari ng bahay na si Jonathan Tolorio ang ingay na dala ng mga bisita nilang tuko, na may maliliit at malalaking miyembro.

“Minsan masakit siya sa tainga pero mabilis lang naman,” sabi ni Tolorio.

Kapamilya ng mga butiki ang mga tuko, na batik-batik ang balat at kapansin-pansin ang kanilang mga mata na tila may hati o slit sa gitna.

ADVERTISEMENT

Karaniwang nakasiksik lamang sa mga dingding ang mga tuko kapag araw, pero aktibo sila sa gabi sa paghahanap ng makakaing insekto.

Ginagamit nila ang tunog na kanilang nililikha para sa komunikasyon sa isa’t isa at para na rin matukoy ang kanilang biktima.

Hindi mapaalis nina Tolorio ang mga tuko sa kanilang bahay dahil kahit kilala bilang mga maaamong hayop, may tapang din ang mga ito.

May posibilidad ding maging agresibo ang mga tuko kung magagambala ang kanilang teritoryo.

“They can pose a very nasty bite because mayroon silang malalaking bibig at malalakas na sagpang. Ang kanilang mandibles are lined with tiny sharp teeth na kapag nakagat ka, pwede kang magdugo, masakit talaga,” sabi ni Doc Ferds Recio.

“‘Yung pagsara ng bibig niya ang lakas. Ramdam na ramdam ko ‘yung sagpang. So kung talagang may kinuha sila at kinagat na insekto, wala talagang kawala,” sabi pa ni Doc Ferds.

Hindi naman mapanganib ang mga tuko, at wala ring venom ang kanilang mga kagat, na ginagawa lamang nila para protektahan ang mga sarili.

Maingay man, nakatutulong ang mga tuko para hindi kumalat ang mga sakit na dala ng mga insekto. Kaya imbes na ituring na kaaway, mainam na alamin ang pakinabang ng mga hayop na kasamang namumuhay gaya ng mga tuko.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News