Sa “Sumbungan ng Bayan”, idinulog ng isang mister ang ginawa umanong pag-abandona ng misis niyang overseas Filipino worker o OFW sa kaniya at sa kanilang mga anak. Ano kayang kaso ang maaaring isampa ng lalaki laban sa kaniyang asawa na inaakusahan din niya ng pagtataksil.

Ayon sa mister na si Celso, mahigit pitong taon na silang nagsasama ng kaniyang misis, at may tatlo silang anak. Nang magpasya raw ang kaniyang misis na magtrabaho sa ibang bansa, sinuportahan niya ang gusto nito.

Pero nang umuwi na sa Pilipinas, sa halip na sa kanilang bahay, tumuloy umano ang kaniyang asawa sa bahay ng kanilang pamangkin.

Nang puntahan daw ni Celso at ng kaniyang anak ang kaniyang asawa, nahuli nila ito na nagbibihis at pawisan pa, na tila may nangyari sa kanila ng pamangkin.

Ayon pa kay Celso, nagalit pa ang kaniyang misis at pinalayas silang mag-ama.

"Hindi man lang niya mapuntahan o madalaw ang kaniyang mga anak na edad sampu, siyam at limang taong gulang. Nagpo-post na lang siya na painum-inom at kung sinu-sinong lalaki ang kasama,” kuwento ni Celso.

Sabi pa ni Celso, muling nangibang-bansa ang kaniyang misis nitong Enero, na hindi man lamang kinukumusta ang kaniyang mga anak.

Ayon kay Atty. Jhoel Raquedan, nakasaad sa Family Code, na may obligasyon ang parehong magulang na suportahan ang kanilang mga anak.

Kaya kung hindi ito tutuparin ng isa sa mag-asawa, maaaring magsampa ang kaniyang kabiyak ng legal separation.

Sa ilalim ng legal separation, maaari pa ring humingi ng suporta ang naagrabyadong asawa ng sustento kahit dinidinig ang kaso.

“Kapag natapos ang legal separation, puwedeng mahusgahan na ‘yung ina ang guilty spouse because of the legal separation. Dahil doon hindi siya makakapagmana kay Celso at tuluyang puwedeng bawiin ang kustodiya ng mga bata sa ina at ibigay kay Celso,” sabi ni Atty. Raquedan.

Dagdag ni Atty. Raquedan, hindi na maaaring kunin ng nanay ang kaniyang mga anak, at maaari pa rin siyang hingian ng suporta para sa mga bata.

Batay umano sa batas, kailangang tumagal ng 12 buwan o isang taon ang pagka-abandona ng isang magulang sa kaniyang mga anak para makapagsampa ng legal separation.

Dagdag naman ni Atty. Danielle Macatulad, maaari ding magsampa ang lalaki ng legal separation dahil sa ground ng sexual infidelity.

Para sa pagsasampa ng kasong adultery, maaaring patunayan ng isang naagrabiyadong asawa ang pakikipagtalik ng kaniyang kabiyak sa ibang lalaki sa pamamagitan ng direct evidence, tulad ng mga taong nakakita sa eksena o ang pag-amin ng mismong asawa.

Maaari din ang circumstantial evidence na magpapakita na nagkaroon ng pagtatalik sa asawa at ibang lalaki, tulad ng mga larawan at chat.

Tunghayan ang buong talakayan sa naturang usapin sa video.

--FRJ, GMA Integrated News