Bukod sa nakatutulong sa mga taong nangangailangan ng dugo, sinasabing may magandang naidudulot sa katawan ng tao ang pagdo-donate ng dugo. Gayunman, may mga nagtatanong kung maaari bang mag-donate ng dugo ang may hypertension o high blood, at may buwanang dalaw o regla?

Ayon sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinasabi ng mga eksperto na nakakabuti sa sirkulasyon ng dugo sa katawan ang pagdo-donate ng dugo.

Bukod dito, nakakatulong din umano ang pagdo-donate ng dugo para mapababa ang posibilidad na magkaroon ng heart disease.

Inihayag naman ng Philippine Red Cross na kadalasan na ang humihingi sa kanila ng dugo ay gagamitin para sa pasyenteng may dengue, may sakit sa dugo gaya ng hemophilia, beta thalassemia, leukemia, at mga isasailalim sa operasyon.

ADVERTISEMENT

May taong nais mag-donate ng dugo pero may agam-agam dahil mayroon silang hypertension o high blood. Maaari pa rin ba silang maghandog ng kanilang dugo?

"Dapat hindi naka-take [nakainom] ng kanilang hypertension drugs o mga drugs na related to the illness [kapag nag-donate ng dugo]," ayon kay Dr. Christie Monina Nalupta, assistant secretary-general for services and program development ng PRC.

"Dapat handa rin tayo na sabihin kung ano ang mga iniinom na gamot o kung mayroon tayong sakit at the time of donation," dagdag niya.

Ayon pa kay Nalupta, maaari ding mag-donate ng dugo anumang oras ang taong nagpaturok ng COVID 19 vaccine, flu vaccine, at maging ng hepa B vaccine.

Sa mga may monthly period o regla, sinabi ng duktora na maaari din silang mag-donate ng dugo basta makikita na normal ang kanilang hemoglobin level.

Ilan naman sa mga paalala ng mga eksperto bago mag-donate ng dugo ay iwasan ang pag-inom ng alak, iwasan ang mga mamantikang pagkain, uminom ng maraming tubig, kumain ng tama, at dapat may maayos o sapat na tulog.

Sa Linggo, Pebrero 26, magkakaroon ng "Sagip Dugtong Buhay Bloodletting Project" ang ng GMA Kapuso Foundation na gagawin sa Ever Commonwealth, Quezon City mula 8:00 am hanggang 6:00 pm.--FRJ, GMA Integrated News