Naging tampulan ng tukso at tinatawag pa kung minsan na “panda” ang isang babae dahil sa malalim at maitim niyang eyebags. Ano nga ba ang sanhi ng eyebags at puwede pa ba itong mawala?
Sa programang "Pinoy MD," itinampok ang kuwento ni Roxan Cana, na bata pa lang daw ay kapansin-pansin na ang pangingitim sa paligid ng kaniyang mga mata kaya tinutukso siyang panda.
“Dumating sa point na nako-conscious ako kasi nga pansinin siya. Lalo sa school, sinasabihan ako ng mga kaklase ko na ‘Uy Cana, matulog ka na, puyat ka na naman.’ Ang sinasabi ko lang sa kanila lagi na, ‘Natutulog naman ako sa tamang oras pero kahit anong gawin ko, andito pa rin talaga siya,” kuwento ni Cana.
Nang maging 24-anyos, lalo pa raw lumaki ang eyebags ni Cana. Hinala niya, dulot ito ng kakulangan niya sa tulog dahil isa siyang working student na nag-aaral sa umaga at nagtatrabaho sa gabi.
Imbes na magpakonsulta, nag-search si Cana sa Tiktok, at gumamit ng mga eye roller na ineendoso ng mga social media influencer. Gayunman, wala itong naging epekto sa kaniya.
Paliwanag ng mga eksperto, nagkaka-eyebags ang isang tao kapag kulang siya sa tulog, at nagda-dilate ang blood vessels o mas maraming dugo ang dumadaloy papunta sa mata, kaya umuumbok ito at nangingitim.
Ipinaliwanag ni dermatologist na si Dr. Ma. Teresa Veroy, na posibleng dulot din ng dehydration o malnutrition ang eyebags.
Wala namang epekto sa kalusugan ang eyebags, ngunit hindi ito kanais-nais tingnan para sa ilan, at nakababawas din ng kumpiyansa.
Ngunit paliwanag din ng mga eksperto, genetic o nasa lahi ang pagkakaroon ng eyebags. Kaya may mga taong madaling magkaroon nito habang ang iba ay hindi nagkakaroon kahit laging puyat.
Para malunasan ang eyebags, maglagay ng cold compress o hiniwang pipino na may cooling effect sa mata, dahil kino-constrict nito ang blood vessels para mabawasan ang blood flow.
Nagpayo rin si Veroy na huwag agad maniwala sa mga produktong mabibili online dahil hindi aprubado ng Food and Drug Administration ang karamihan sa mga ito.
Malaki ang maitutulong ng sapat na tulog at pahinga para maalis ang eyebags.
Samantala, hindi raw pampatulog kundi pampagising ang gadgets kaya dapat na itong iwasan ng 30 minuto bago humiga para makabawi sa tulog. --FRJ, GMA Integrated News
