Parang tumama raw sa lotto noon ang isang lalaki na 75-anyos na ngayon nang makakita siya ng mga sinaunang alahas na yari sa ginto sa Surigao del Sur. Pero ang suwerteng iyon, tila may kasama ring malas.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo,Jessica Soho,” ipinakilala si Tatay Edelberto Morales, na nakapulot ng mga sinaunang alahas na gawa sa ginto gaya ng isang tila helmet at isang sinturon sa San Miguel, Surigao del Sur.
“Para akong nanalo sa lotto. Magkakapera na, makaahon sa kahirapan,” sabi ni Morales sa suwerteng dumapo sa kaniya, apat na dekada na ang nakararaan.
Kaya naman laking tuwa ng kaniyang asawa nang iuwi niya ang mga alahas. May naibenta siyang artifact sa isang kolektor sa halagang P60,000.
Ang lugar kung saan niya napulot noon ang mga ginto, isang private property na ngayon.
Nalaman din niya na naka-display na ang ilan sa mga ito sa isang museo sa Maynila.
Ayon sa archeologist na si Prof. Victor Estrella, hindi bababa sa 15 hanggang 30 kilos ang kabuuang bigat ng mga gintong nakuha ni Edelberto, na tinatawag na “Surigao Treasure.”
Maaari itong ginawa at ginamit mula ika-10 hanggang ika-13 century CE, at nabanggit sa Laguna Copperplate Inscription at iba pang sinaunang Chinese record.
Nagsisilbi rin itong social marker o palatandaan ng antas ng lipunan.
Ang golden bowl naman na natagpuan ni Tatay Edelberto ay may bigat na 303 grams, na maaaring lalagyan ng mga butil o likido na ginagamit sa seremonya ng panggagamot o pakikipag-ugnayan sa mga diyos.
Nang maibenta ni Edelberto ang mga ginto, nakabili siya ng lupa, kalabaw, pang-araro at bahay.
Ngunit pagkaraan ng apat na dekada, ang marangyang buhay noon ni Edelberto, bumalik sa payak o simpleng pamumuhay.
Hindi rin daw naging madali ang buhay niya noon nang malaman ng ibang tao ang suwerteng dumating sa kaniya.
“Maraming mga tao nagkainteres sa akin, mayroong manghingi. ‘Yung iba magsabi ‘Ber tulungan mo ako kasi ‘yung bata ko maysakit.’ ‘Ber wala na akong pambili ng kabaong,’” kuwento niya.
Pag-amin niya, tila nagulo ang kaniyang yung dahil sa nakitang mga gintong alahas. Nalagay pa sa alanganin ang buhay nila nang pasukin ng magnanakaw ang kanilang bahay.
“Binigyan ko siya ng pera tsaka ‘yung iba pa, mga kuwintas ng mga anak ko, tsaka singsing, aking relo tsaka relo ng asawa ko, kinuha,” kuwento ni Tatay Edelberto.
Sunod-sunod ding nagkasakit ang mga miyembro ng kaniyang pamilya. Taong 1996 nang pumanaw ang kaniyang unang asawa.
Naaksidente rin si Mang Edelberto sa motorsiklo kaya napilitan siyang magsangla pa ng kaniyang mga naipundar.
Inoperahan din siya sa apdo at mata.
Sa ngayon, wala na raw siyang hawak kahit isa sa mga nakita niya noong ginto. At tanging naiwan na lamang sa kaniya ay ang nabili niyang bahay at ang koprahan niya sa Surigao.
Tunghayan sa video ng "KMJS" ang buong kuwento ng buhay ni Mang Edelberto, at alamin din kung totoo nga kayang ang Pilipinas ang tinutukoy na “Land of Ophir” sa Biblia na sagana raw sa ginto. --FRJ, GMA Integrated News
