Labing-apat na taon na ang nakararaan nang isilang ang isang kambal sa Malita, Davao Occidental na mayroong parehong kasarian na pang-babae at pang-lalaki. Ngayong binatilyo na ang kambal, nais nilang malaman kung sila ba talaga ay lalaki o babae?

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing ang kambal na mas prominente ang kasarian na pambabae, pinangalanan ng pambabae [Princess, hindi niya tunay na pangalan]. Habang pang-lalaki naman ang ipinangalan sa kambal na mas prominente ang kasarian na pang-lalaki [si Prince, hindi rin niya tunay na pangalan].

Kahit na inakalang babae ang isa sa kambal, lumaki ang dalawa na parehong kilos-lalaki, at pareho rin ang kanilang hilig at pananamit.

Si Princess na inakalang babae, hindi lumaki ang mga dibdib, at hindi rin nagkaroon ng buwanang dalaw na nangyayari sa mga babae.

Kuwento ng ina ng kambal at single mom na si Camille, hindi niya rin tunay na pangalan, normal naman nang ipagbuntis niya ang mga anak.

Nang makita ang kasarian ng mga bata noong isinilang, pinayuhan siya na huwag na munang pakialaman ang kasarian ng mga sanggol. Kaya naman binigyan nila ng pangalan na pambabae si Princess na mas prominente ang ari na pambabae, at itinuring nila itong babae.

Gayunman nang lumaki na si Princess at magkaroon ng sariling pag-iisip, ang pinaniniwalaang babae, nagpasyang gayahin ang kaniyang kakambal na si Prince, bilang isang lalaki.

Ayon kay Princess, mayroon siyang ari ng lalaki na nasa itaas at may guhit siyang ari ng babae sa ibaba.

Pero mas gusto raw niyang maging isang lalaki at makapag-asawa ng babae.

Si Prince, mayroon ding dalawang ari na tila magkadikit.

"Ang ari ko po nakadikit, parang ari ng babae. Inaangat ko ko yung ari para makaihi ako," sabi ni Prince. "Mula bata, itinuring akong lalaki, habang lumalaki ako alam ko na lalaki talaga ako."

Dahil naaawa na sa kalagayan ng kaniyang kambal na anak na nalilito sa kanilang kasarian, humingi ng tulong si Camille sa "KMJS" para maipasuri sa espesyalista ang kambal.

Kaya naman sinamahan ng "KMJS" team ang kambal para maipasuri sa espesyalista at malaman ang tunay na kasarian ng dalawa.

Si Prince, lumilitaw na isang tunay na lalaki na may kondisyon na tinatawag na Hypospadias Chordee.

Sa pamamagitan ng operasyon, maaari umanong maisayos ang kasarian ni Prince na may tila magkadikit.

Habang si Princess, mayroon namang tinatawag na kondisyon na 46,XYPseudohermaphroditism. Ano nga ba ito at maaari din kayang mai-correct ang kaniyang kasarian gaya ng kambal niyang si Prince, o isa talaga siyang babae? Alamin ang buong kuwento sa video ng "KMJS."" -- FRJ, GMA Integrated News