Dahil sa kapos sa pera, naglakas-loob ang isang lalaki na mangutang para masimulan muli ang kaniyang tapa business. Dahil na sikap at pagpupursige, kumikita na ngayon ang negosyo at nabayaran na rin ang kaniyang utang.

Sa programang "Pera Paraan," sinabing P50,000 hanggang P100,000 kada buwan ang kinikita ang “Boss Tapa” ni Joseph Julian Santia sa Davilan Food Park sa Carmona, Cavite.

Nagsimula ang negosyo ni Santia sa tapa nang mabiktima siya ng scam online ng higit P100,000.

“‘Yun na ang pinaka-savings ko sana. Naubos talaga, as in zero balance talaga ako,” kuwento ni Santia.

Hanggang sa lumapit si Santia sa matalik niyang kaibigan, at niyaya siya nitong magnegosyo ng tapa. Tiyempo namang mahilig magluto si Santia.

Matapos mangutang ang kaniyang kaibigan ng P35,000 mula sa pinsan nito, pinili na ni Santia at kaibigan ang Davilan Food Park, na proyekto ng kanilang LGU.

Sa kanilang unang pagsabak, dinadaan-daanan lamang sila ng mga tao at tila hindi pumatok ang recipe niyang tapa.

Dahil may full-time job ng kaniyang kaibigan, naiwan ang negosyo kay Santia. Kalaunan, nagsarado ang kanilang negosyo ng isang buwan.

Kabubukod din lamang nina Santia at ng kaniyang partner na si Rhea Sionzon, at nagpatong-patong din ang pambayad nila ng kuryente at utang.

Nagdesisyon si Santia na mangutang sa kaniyang tiyahin at muling simulan ang kaniyang negosyong tapa. Sa pagkakataong ito, sinamahan na siya ng kaniyang partner, na isang dating guro sa private school.

Gayunman, dumating pa rin ang mga pagkakataon na nahuhuli sila sa pagbabayad ng utang.

Hanggang sa napansin ng mga vlogger ang Boss Tapa ni Santia, at nagsimula nang dagsain ng mga tao ang kanilang negosyo.

Ngayon, may sisig na rin sa paninda nina Santia sa food park at investor na rin nila ang kaniyang tiyahin na kaniyang inutangan noon ng puhunan.

“Nakakapagpasahod na ako ng mga tao, nakakatulong na ako sa ibang tao. ‘Yun naman ang gusto ko, mabigyan ng trabaho ‘yung mga walang trabaho,” sabi ni Santia.

Wala na ring pinagkakautangan si Santia.

“Sobrang saya, makakatulog ka nang maayos, iisipin mo na lang makapagtinda para makabili ng pagkain bukas kasi wala ka nang utang,” saad niya.

“Kung mangungutang po kayo, siguraduhin niyo lang po sa sarili niyo na kahit magkamatay-matay kayo magtrabaho, babayaran niyo ‘yung tao kasi napakahirap kitain ng pera. Puwedeng mangutang pero kailangan bayaran. Iba ang utang sa hingi,” sabi ni Santia. -- FRJ, GMA Integrated News