Namangha maging ang isang dermatologist nang suriin niya ang buhok isang 72-anyos na lola sa Tarlac na tila bumalik sa pagkabata dahil muling nagiging itim ang tubo ng buhok na pumuti na. Ang lola at ang kaniyang tiyahin, mayroon daw iniinom na hinihinala nilang dahilan kaya mistula silang bumabata muli.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinatuwa ni Lola Siony Dela Cruz, ng Camiling, Tarlac, nang mapansin niya ang pag-itim muli ng kaniyang buhok ilang buwan ang nakararaan.
Kapansin-pansin ang itim na mga bagong tubong buhok sa anit ni Lola Siony. Aniya, nasa lahi nila ang maagang pagputi ng buhok na nagsimula sa kaniya noong edad 40 pa lang siya.“Naiinggit ako sa mga ka-edad ko na walang puting buhok. Naisip ko talaga, wala na, matanda na,” anang lola.
Regular lang na shampoo ang kaniyang ginagamit, at ilang beses lamang siyang nagpakulay ng buhok para sa mga okasyon. Pero sa pagkakataon ito, hindi raw siya nagpakulay ng itim sa buhok.
Bukod sa muling pag-itim ng mga buhok, pakiramdam din ni Lola Siony ay sumisigla ang kaniyang katawan.
“Dati kaunting lakad lang ang dali kong mapagod. Ngayon, kahit ako lang mag-isa. Mas naging aktibo ako,” sabi niya.
Kahit nga daw ang kaniyang dibdib, tila nagkakalaman daw muli gaya noong kabataan niya.
“Sa tingin ko may koneksiyon ‘yung pag-itim ng buhok ko sa pagsigla ko,” sabi ni Lola Siony.
Bukod kay Lola Siony, unti-unti ring umiitim ang buhok ng kaniyang 78-anyos na tiyahin na si Lola Lourdes, at lumalakas din ang resistensiya.
Nangyari raw ang pagbabago sa kanilang katawan at buhok nang magsimula sila uminom ng gatas nitong nakaraang Abril.
Paliwanag ng dermatologist na si Dr. Leilani Apostol Dy, ang melanocytes ang gumagawa ng melanin na siyang nagdudulot ng pigmentation ng buhok.
Sa pagtanda, nasisira o namamatay ang hair follicle at nakagagawa na lamang ng mas kaunting melanin.
Nang suriin ang kalagayan ni Lola Siony, namangha maging si Dr. Dy.
“Napaka-rare nito. Namamangha rin ako kasi parang imposible. There’s no way na ‘yung puting buhok ay mangingitim pa,” sabi ni Dr. Dy.
Pero may kinalaman kaya ang gatas sa pag-itim muli ng mga buhok nina Lola Siony at ng kaniyang tiyahin?
“Sa case ni Lola Siony, hindi naman nutrition ang deficiency, sa age tsaka genetics ang sa kaniya,” anang dermatologist.
Wala rin din daw dapat ikabahala si Lola Siony sa muling pag-itim ng kaniyang buhok.
“Wala namang dapat ikatakot si Lola Siony kasi positive ‘yung nangyari sa kaniya,” ani Dr. Dy.-- FRJ, GMA Integrated News
