Nang mapaalis noon sa dati nilang tinitirhan, napadpad si Chris Guarin at ang kaniyang pamilya sa ilalim ng tulay kung saan sila umupa ng maliit na bahay. At dahil sa pagsisikap, ngayon, may sarili na siyang bahay, sasakyan, at burger business na may 57 stalls. Kapulutan ng inspirasyon ang kaniyang kuwento.
Sa programang "I-Juander," sinabi ni Chris na 2003 at teenager pa lang siya noon nang mapadpad sila ng kaniyang pamilya sa maliit na paupahang bahay ni Contesa, na nasa ilalim ng tulay sa San Mateo, Rizal.
Doon nagsimulang mangarap si Chris na sinabayan nito ng pagsisikap. Nagtapos siyang pag-aaral at sumabak sa iba't ibang trabaho.
Nang makapag-ipon na sila ng kaniyang pamilya, umalis na sila sa ilalim ng tulay.
Kasunod nito, nagtayo naman si Chris ng maliit na burger business sa dati niyang pinasukan na unibersidad na PUP.
Tinawag niyang "Varda" ang kaniyang burger business na mula sa salitang "bardagul," na laging tinutukso sa kaniya kapag nabu-bully noong bata pa siya.
Mula sa isang stall, naparami ito ni Chris na umaabot na sa 57, na karamihan ay nasa mga paaralan.
"Dati iniisip mo saan ka kukuha ng pangkain, ngayon kahit anong gusto kong kainin puwede kong kainin," ani Chris. "Dati nagsisisiksikan lang kami sa maliit na kuwarto, sa isang maliit na bahay, ngayon kahit papaano may sari-sarili nang bahay yung mga pamangkin ko."
Sa kabila ng tagumpay, hangad pa rin ni Chris na mabisita ang kaniyang tirahan sa ilalim ng tulay at muling makita ang dati niyang landlady na si Contesa.
"Kapag nakita mo kung saan ka nanggaling mas, maa-appreciate mo kung ano ang mayroon ka ngayon," ani Chris.
At makalipas ng 20 taon, binalikan ni Chris ang dati niyang bahay sa ilalim ng tulay. Tunghayan ang buong kuwento at ang muli nilang pagkikita ni Contesa kung saan may dala siyang munting regalo. Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News