Isang lalaki na nagdiriwang pa naman ng kaniyang ika-26 kaarawan ang nasawi matapos siyang barilin sa Tondo, Maynila.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing dead on the spot ang lalaki matapos barilin sa tapat ng Building 7 sa Riverside Vitas madaling araw nitong Sabado.

Sinabi ng barangay na nakatanggap na lamang sila ng mensahe galing sa mga residente tungkol sa pamamaril, kaya agad silang tumawag ng mga pulis.

“Patay na talaga, sir. Ang pagkakaalam ko po, sir, hindi po ako sigurado, is sa likod po (ang tama),” sabi ni Kagawad Avelino Manaog, Barangay 101, Tondo. 

Hindi rin nahagip sa CCTV ang pamamaril dahil nagkataong ina-upgrade ng barangay ang kanilang system.

Ngunit batay sa salaysay ng isang testigo sa mga pulis, naglalakad lang noon ang biktima nang bigla siyang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang gunman.

Nananatiling blangko ang barangay sa motibo ng pamamaslang.

Ayon sa kanilang record, ilang beses nang nasasangkot sa iba't ibang kaso ang biktima.

“Ang mga blotter kasi dito regarding sa drugs, allegedly lang ulit na meron po mga, hinihinalang meron siyang baril,” sabi ni Manaog.

Natuklasan ding kalalaya lamang ng biktima noong nakaraang taon matapos makulong dahil sa kasong robbery holdup.

Lumabas pa sa imbestigasyon ng pulisya na nasawi rin sa pamamaril noong nakaraang taon ang kuya ng biktima.

Tinitignan ng MPD ang posibleng kaugnayan nito sa sinapit ng lalaki ngayon.

Patuloy rin ang kanilang backtracking sa ikahuhuli ng gunman.

Sinusubukan pang kunan ng GMA Integrated News ng pahayag ang pamilya ng biktima. — Jamil Santos/VBL GMA Integrated News