Sa programang "Pinoy MD," itinanong ng netizen kung peligroso ba sa kalusugan ang pagkakaroon ng anemia o pagiging anemic, at ano ang mga pagkain na dapat kainin ng mga taong may ganitong problema sa dugo?
Ayon sa health and wellness doctor na si Dr. Oyie Balburias, delikado ang anemia lalo na kung sobrang baba na ng dugo o ang red blood cell ng pasyente.
Mahalaga umano na sapat ang antas ng dugo ng tao para hindi maapektuhan ang functions o paggalaw ng organs sa katawan lalo na ang puso.
WATCH: Pagpupuyat, isa sa mga sanhi ng anemia?
Sabi pa ni Doc. Oyie, nagdudulot ng maraming sintomas kapag masyadong mababa ang pula sa dugo.
Isang sanhi umano ng anemia ang iron deficiency na mahalaga sa paggawa ng red blood cells.
Sa isang episode ng Pinoy MD, nabanggit na ilang sa sintomas ng anemia ay madaling mapagod ang pasyente, sumasakit ang ulo, matamlay, at maputla.
Ayon pa kay Doc. Oyie, ang mga pagkain na mayaman sa iron na dapat kainin ng mga anemic ay mga red meat tulad ng beef, pati na manok.
Puwede rin ang mga mabeberdeng gulay tulad ng malungay, spinach, at pechay. Pati na ang nuts, beans, legume, tofu na galing sa soya, grain, maging ang quinoa.
Pero totoo ba na mas mahaba ang buhay ng mga babae kaysa mga lalaki? Alamin ang naging pagtalakay dito ng Pinoy MD. Panoorin ang video.-- FRJ, GMA Integrated News