Sa halip na gumanda, tumabingi at sumablay umano ang ipinagawang ilong ng tatlong magkakaibigan. Kaya naman nais nilang managot ang duktor na gumawa sa kanila at mabawi ang kanilang ibinayad.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ibinahagi ng tatlong magkakaibigan at magkakatrabaho na sina Lara, Vhine, at Judith ang kanilang naging karanasan.

Kuwento nila, nais sana nilang magkaroon ng pagbabago at gumanda pagdating ng kanilang Christmas party.

Hanggang sa nalaman ni Lara ang tungkol sa promo ng rhinoplasty procedure o nagpapatangos ng ilong.

"Kasi kapag nagpi-picture ako, ang hirap po humanap ng magandang anggulo. Kailangan lagi mo siyang i-enhance kasi sa aming magkakapatid, ako 'yung pinaka-pango," ayon kay Lara.

Naisip ni Lara na gawing Christmas gift sa sarili ang ipaayos ang kaniyang ilong.

Ang karaniwang presyo sa naturang proseso na P70,000-P100,000, inialok sa promotional price na P55,000.

"Nakita ko na maganda naman 'yung gawa sa kanila kaya na-convince din po talaga ako," dagdag niya.

Ipinaayos ni Lara ang kaniyang ilong noong Agosto.

"Nu'ng inooperahan po ako, wala naman po ako actually nararamdaman na masakit right after the procedure kasi okay naman po," sabi ni Lara.

Nang makita nina Vhine at Judith ang mga post ni Lara sa ginawa nitong pagpapaayos ng ilong, naingganyo rin sila.

Si Vhine, kinuha ang pambayad sa kaniyang naipon, habang nag-alok naman ang nobyo ni Judith na sagutin ang gastos sa kaniyang rhinoplasty.

Isang buwan matapos ang isinagawang procedure kay Lara, sumunod na sina Vhine at Judith sa kaparehong duktor. Pero pagkaraan ng ilang linggo, mayroon na silang napansin sa kanilang ilong.

"After seven days tinanggal 'yung cast sa ilong ko, nakita ko na uneven na siya pero ang sabi ni Doc dahil lang siya sa swelling. Pabalik-balik po ako dun sa clinic, tinuturukan po siya nga steroid para daw po bumaba 'yung swelling niya. Hanggang sa ika-four months na, last na checkup ko, hindi talaga siya nawawala," ani Lara.

"As in tabingi po talaga 'yung pagkakagawa. Nagpa-checkup po ako sa ibang doctor after four months sabi nga po hindi po siya dahil sa swelling talaga. Talagang sobra siya ng cartilage dito kaya po siya mukhang tabingi," dagdag niya.

Pareho rin umano ang nangyari kay Vhine, at nakakapa pa raw niya ang dulo ng implant sa ilong niya. Bukod pa rito, nagkaroon pa siya ng sinusitis.

Si Judith, nakaranas naman ng pagdurugo sa kaniyang ilong.

Binigyan umano siya ng duktor ng gamot pero hindi rin nawala.

Sinubukan ng KMJS team na makausap at hingan ng panig ang duktor na gumawa sa tatlong babae pero tumanggi siyang makapanayam, batay na rin umano sa payo ng kaniyang abogado.

Pero ano nga ba ang nangyari at nagkaroon ng aberya sa mga ilong nina Lara, Vhine, at Judith? May pananagutan nga ba ang duktor na gumawa sa kanila?  At maiayos pa kaya ang kanilang ilong para maging masaya ang kanilang Pasko? Alamin ang buong kuwento sa video ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News