Mapapa-standing ovation sa bilib ang mga tao na makakakita sa mga aso sa La Union at Zambales na bukod sa mga cute, kaya rin nilang maglakad gamit ang dalawang paa na parang bata.
Sa programang “AHA!” ipinakilala ang isang-taong-gulang na Aspin na si Hilux, na alaga ni Leonardo Cabading sa La Union.
Bukod sa kaya niyang tumayo at maglakad na tila tao, kinagigiliwan din si Hilux dahil sa kaniyang iba’t ibang OOTD na may suot na bag o dalang basket.
Tuta pa lamang, tinuruan na si Hilux ng kaniyang fur parent na tumayo gamit ang kaniyang dalawang paa sa likod, at may bitbit pang basket na kaniyang kagat.
Hindi naman pahuhuli sina Popoy, walong-taong-gulang na Dachshund-Jack Russell Terrier mixed breed, at anak nitong si Popay, na apat na taong gulang, na mula sa Olongapo.
Kaya ring tumayo nina Popoy at Popay gamit lamang ang dalawang likurang paa kaya napapatingin ang mga nakakasalubog nila sa daan.
Ang amo nina Popoy at Popay na si Jun Sapilan, isang dating security guard na laging kasama noon si Popoy sa kaniyang duty.
“Doon ko siya nakitaan ng talent. Pinaupo ko nang nakataas lang ang dalawang paa. Siguro, nainip, tumayo at naglakad. Bale, pinaraktis ko na siyang lumakad talaga ng ganu’n,” kuwento ni Sapilan.
Hanggang sa namana ni Popay ang galing ng amang si Popoy.
Bukod dito, binibilhan din ni Sapilan ng damit ang kaniyang mga alaga.
Ayon sa veterinarian na si Dr. Zarah Rosuello, ng Dr. Z Animal Clinic, “Most of the vets would say na hindi ito naturally na nagagawa ng four-legged na animal tulad ng aso. Anatomically, kaya naman nila itong gawin."
Pero may paalala si Rosuello sa posibleng negatibong epekto sa aso kapag naglakad nang nakatayo.
"Normally, nagagawa ito ng mga aso na maliliit. Maaaring in the long run, ang negative effect nito sa mga hayop ay magkaroon sila ng mga joint problem, or skeletal problem, or anatomic problem later on,” paliwanag niya. -- FRJ, GMA Integrated News
