Hulyo noong nakaraang taon nang mapulot ng isang mangingisda sa dalampasigan sa Romblon ang isang plastic bottle na may sulat at P500. Ang nagpaanod pala ng boteng plastic, isang bata na mula sa Cebu.
“This is from Earth Erica Trocio. I am from Toledo City, Cebu. Sana ma-enjoy mo o makatulong itong 500 pesos po. Pray nyo nalang po ako na sana makatapos po ako ng pag-aaral at makapagnegosyo sa mga wishes ko po,” saad sa sulat na ipinakita sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho.”
Ang nakapulot sa bote, si Jaypie Fortes na hindi ginastos ang P500 kahit pa sa panahon na gipit na sila ng kaniyang asawa na si Cristina, at may dalawa silang anak.
Sapat lang ang kita ni Jaypie na P300 hanggang P400 sa pangingisda para sa pang-araw-araw nilang pangangailangan.
“Naniniwala po sa ako na kapag hindi ko ginastos ‘yung P500, baka matupad po ‘yung wish ng bata,” sabi ni Jaypie.
“Na-inspire ako na magsikap para makatapos ‘yung mga bata,” dagdag ni Jaypie, na nakakuha ng inspirasyon sa sulat ni Erica.
Hiniling naman ni Cristina na magtagpo sana ang landas ng kaniyang mga anak at ng batang sumulat ng liham.
Tinangka nilang hanapin ang pangalan ng bata online ngunit hindi nila ito nakita, kaya nagpatulong sila sa “KMJS.”
Sa pagsasaliksik, nakilala ng KMJS team ang bata na si Erica na siyam na taong gulang, na mula sa Toledo City.
Napag-alaman na mahilig talaga si Erica ang magsulat. Dating company driver sa Cebu ang ama ni Erica na si Ricardo, habang empleyado sa pribadong kumpanya ang kaniyang inang si Mary Grace.
Nanggaling din sa hirap ng buhay noon ang mga magulang ni Erica. Pagdating ng sahod, wala na silang matira dahil sa laki ng kaltas kaya napipilitan din silang mangutang.
Naging mahirap din sa pamilya ang kalagayan ni Erica noon na lumalaking sakitin at nakararanas ng seizures kaya madalas na dalhin sa ospital.
Hanggang sa pinalad si Ricardo sa mga pagtaya niya sa Swertres at nagkaroon siya ng puhunan para magnegosyo ng bigasan at pautangan na kanilang napalago.
“Binigyan ako ng Panginoon ng konting grasya. Na-realize ko po na gusto kong makatulong sa iba,” sabi ni Ricardo.
Kaya pati si Erica, kahit sa murang edad, gusto na ring makatulong.
“Ang natutunan ko kina Mommy and Daddy ay pagiging maawain, matulungin at madasalin. Kaya tumutulong ako sa ibang tao kasi dumaan din kami sa hirap kagaya nila,” sabi ni Erica.
Kapag bumabiyahe ang kanilang pamilya sa dagat sakay ng barko, nakaugalian na nilang magpaanod ng message in a bottle na may pera at sulat kahilingan.
Noong bumisita sila sa Mindoro noong Hunyo, naisip ni Erica na magpaanod ng message in a bottle na nilagyan niya ng sulat at P500.
Halos 90 kilometro ang ibiniyahe ng ipinaanod nilang bote mula Calapan City, Mindoro Oriental hanggang sa mapulot ito ni Jaypie sa Romblon.
Noong Miyerkoles, bumiyahe ang pamilya Trocio mula Cebu papunta sa Romblon para makilala ang nakapulot sa sulat ni Erica.
Hindi napigilang maging emosyonal ng pamilya Trocio at ng pamilya ni Jaypie nang magkatagpo-tagpo na sila.
Tunghayan sa video ng KMJS ang pagkikita ng dalawang pamilya kung saan may dala ring regalo si Ricardo para sa dalawang batang anak ni Jaypie.
Samantala, nagpaalala ang DENR na hindi inirerekomenda ang pagtatapon ng plastic sa karagatan dahil posible itong makadagdag sa marine pollution, at maaaring kainin ng wildlife species. Panoorin ang video. -- FRJ, GMA Integrated News
