Patok sa netizens ang mga video ng content creator na si KaMangyan, na itinatampok ang buhay-probinsya nila sa Oriental Mindoro. Sa edad 24, nakabili na siya ng sasakyan, ekta-ektaryang lupa, at nabayaran na rin ang lahat ng inutang ng kaniyang pamilya sa pagba-vlog.

Sa programang “Biyahe ni Drew,” sinabing mayroong mahigit anim na million followers at 107 million likes ang TikTok account ni KaMangyan.

Patok sa netizens ang kaniyang mga video sa pagluluto at paghahanda ng pagkain ng kanilang pamilya, na sinamahan pa ng kanilang kulitan.

Mercedes Lasac ang tunay na pangalan ni KaMangyan. Ayon sa kaniya, hinango ng kaniyang ama ang kaniyang pangalan mula sa sikat na role ni Thalia na si Maria Mercedes.

Natuto siyang magluto dahil nakikita niya ito sa kaniyang nanay at tatay.

Nagsimulang mag-vlog si Lasac nang mapansin ng kaniyang kapatid na may potensyal siya rito.

“Noong una siyempre, parang trip-trip lang lahat ng paggawa ng content. Hanggang sa ang dami nang nag-su-support sa amin,” sabi ni Lasac.

Sa tatlong taon nang pagiging content creator ni KaMangyan, marami nang magagandang nagbago sa kaniyang buhay, at sa buhay ng kaniyang pamilya.

“Si tatay ko kasi ay magbubukid. Hindi na niya kailangang mangutang. Dati po kasi, kailangan muna niya mangutang. Tapos ‘yung kikitain niya doon sa pag-ani, ipapambayad niya lang sa utang. So parang wala din halos,” kuwento niya.

Proud niyang sinabi ngayon na, “Bayad na lahat!”

Bukod sa sasakyan at lupa, nakapagpa-renovate na rin ng bahay si KaMangyan.

Sa kabila ng mga narating sa buhay, may pinapangarap pa rin ang pamilya ni KaMangyan.

“Gusto po namin magkaroon ng farm ‘yung buong pamilya. Gusto namin ‘yung tumitingin kami sa paligid, ‘yung mga tanim, mga hayop, andiyan. ‘Yun po ‘yung napag-ipunan po namin,” sabi niya.

Kahit na malaki na ang kaniyang kita, pipiliin pa rin niya ang kabukiran.

“Parang nakaka-chill siya. ‘Pag kunwari wala kayong hawak na social media, kung may problema kayo, tingin-tingin lang kayo sa paligid, mga kulay green. Parang nakaka-chill siya,” ayon sa dalaga. -- FRJ, GMA Integrated News