Dahil matindi ang init ng panahon lalo ngayong may El Niño, nagbigay ng payo ang isang arkitekto kung papaano maiibsan ang init na nararamdaman sa loob ng bahay.
Ayon kay Architect Ae Pastrana, head of design ng Menarco Development Corp., makabubuting buksan ang bintana at pintuan para mag-circulate ang hangin at nang mabawasan ang init sa loob ng bahay.
“Let the hot air out, and let the cool fresh air in so it will really improve the air quality. Hindi lang yung init, ‘yung quality rin ng air inside your homes,” paliwanag niya.
Sinabi rin ni Pastrana na makabubuti rin kung may halaman sa bahay--sa loob man o sa labas--para nakapagpalamig din ng temperatura.
“Plants really cool the indoor and outdoor air temperature by as much as 10 degrees. Of course, one pot of plant will not cool your entire home but as much as possible kung mayroon tayong places where we can put plants, let’s plant more,” payo niya.
Puwede ring maglagay ng sun-shade nets sa mga lugar ng bahay na may direktang tama ng araw.
Maaari ding gumamit ng insulation foam na inilalagay sa pagitan ng bubong at kisame.
Pagdating sa pintura, maganda na mga heat-reflecting roof paints ang gamitin.
“When you paint your roofs a light color mataas yung kaniyang solar reflectance index, SRI, so hindi papasok yung init sa ating mga bahay, nare-reflect na siya kaagad,” paliwanag niya.
Bukod sa pagpapalamig sa bahay, paalala ng Department of Health, panatilihing hydrated ang katawan.
“Keep hydrated habang mainit and cool down, laging cool down, pag mainit wag kayong lalabas nang walang hat or lagi kayong magbaon ng pamaypay and bring always a bottle of water with you,” paalala ni Health Secretary Ted Herbosa.-- FRJ, GMA Integrated News
