Labis ang kalungkutan ng isang magsasaka matapos mawala nang sabay-sabay ang hindi lang isa o dalawa, kundi tatlo niyang kalabaw na katuwang niya sa pagbubungkal ng lupa sa Palayan City, Nueva Ecija. Sino kaya ang kumuha at mabawi pa kaya niya ang mga alaga?

Sa “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ikinuwento ng magsasakang si Mario Agustin, na Pebrero 23 nang ipastol niya ang tatlo niyang kalabaw na sina Zigzag, Mestiza at Tala, at iniwan sa isang bahagi ng bundok na nakatali.

Pero nang balikan niya ang mga alaga, wala na ang tatlong kalabaw at nabali na ang sanga na kaniyang pinagtalian kahit na matibay naman ito.

Hinala ni Agustin, ninakaw ang mga alaga niyang kalabaw kaya hinanap niya ang mga ito.

“Kahit kainitan, halos hindi na ako makatulog,” anang magsasaka.

Sa tatlo, pinakamatagal na nakasama ni Agustin sa pagsasaka si Zigzag, na alaga na niya sa loob ng 18 taon.

Samantalang napakikinabangan naman ang gatas ni Mestiza na ipinambabaon ng kaniyang mga anak at ibinibenta rin nila sa halagang P50 kada bote.

ADVERTISEMENT

Tila may puting tala naman si Tala sa kaniyang tuktok ang pinakabata sa tatlo kaya ganito ang kaniyang naging pangalan.

Ang tatlong kalabaw na rin ang naging katuwang ni Agustin para mapag-aral ang kaniyang mga anak.

Hindi ito ang unang beses na may nawalan ng hayop sa Palayan. Noong nakaraang Mayo, nawalan ng baka ang kumpare ni Agustin na si Remegio Fajardo.

Pero tali at bituka na lang ng baka ang natagpuan ni Fajardo.

Si Agustin, sinamahan na rin ng mga taga-barangay para hanapin ang tatlo niyang kalabaw. Ngunit kahit nagpalipad na sila ng drone sa bukid at kabundukan, hindi pa rin nila nakita ang mga ito.

Pero nitong nakaraang Sabado, may natanggap na impormasyon si Agustin tungkol sa mga kalabaw na nakita rin ng isang magsasaka sa kabundukan.

Nakumpirma naman ni Agustin na ang mga alaga nga niya ang mga nakitang kalabaw. Magkasamang tuwa at lungkot ang nadama ng pamilya dahil nakita nila ang sobrang pamamayat ng mga alaga sa mahigit isang linggo nitong pagkawala.

“Noong pinatayo ko sila, halos hindi na makalakad. Ang tingin nga sa akin, nakakilala ‘yung amo, parang nagmamakaawa. Nagpapasalamat na lang ako at hindi nakatay ‘yun. Kung nakatay, para na akong pinutulan nu’n, katawan. Dahil wala na akong katuwang,” sabi ni Agustin.

Ang nakakita namang si Jojo Cunanan, itinangging kinuha niya ang mga kalabaw.

“Hindi po ako ‘yung kumuha ng kalabaw, kundi nakita ko lang. Dati rin po, nawalan ako ng kalabaw. Ramdam ko rin po kung gano kasakit mawalan ng kalabaw,” sabi ni Cunanan.

Si Agustin, naniniwala na sadyang may kumuha sa kaniyang mga alaga. Aniya, walang dumi ng kalabaw na nakita sa lugar kung saan natagpuan ang tatlo.

"Wala kaming nakitang dumi sa pinagtalian. Sa tagal na ‘yun, siyam na araw? Ibig sabihin hindi doon ini-stay, nilipat-lipat,” hinala ni Agustin.

Ang isa pa sa nakakita sa mga kalabaw na si John Eric Martinez, sinabing wala silang napansin na mga taong gumagawi sa kanilang lugar dahil bundok na ito na liblib.

Matapos maiuwi, binakunahan ng mga bitamina ang mga kalabas para bumalik ang kanilang lakas. Habang patuloy din ang imbestigasyon ng pulisya kung sadyang pinuntiryang nakawin ang mga alaga ni Agustin.-- FRJ, GMA Integrated News