Hirap kumilos at hindi makatulog nang maayos ang isang 57-anyos na babae sa isang liblib na lugar sa Barili, Cebu dahil sa sobrang laki ng kaniyang tiyan. Ano kaya ang dahilan nito at maaari pa kaya itong malunasan?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing tinatayang nasa 180 kilos na ang babae na itinago sa pangalang "Eva," na nakatira sa kaniyang kapatid na si Norma.
Dahil sa kakapusan ng pera, hindi pa napapatingnan sa doktor si Eva para malaman kung ano ang dahilan ng paglaki ng kaniyang tiyan.
Sa tulong ng lokal na pamahalaan, pinuntahan siya sa kanilang tirahan at pinagtulungang buhatin para maisakay sa ambulansya at madala sa ospital para masuri.
"Tiyan lang ang lumalaki tapos 'yung mga binti, 'yung mga braso, malnourished na," ani Norma.
Bihira na rin umanong magsalita si Eva at nagiging makakalimutin na.
Ayon sa pamangkin na si Leah, "'Pag umihi siya, hindi na siya pumunta ng CR. Doon na lang sa tabi na malapit lang doon sa kanyang higaan. Tumindig siya mag-ihi."
Sa kabila ng kalagayan niya, nagagawa pa rin naman ni Eva na asikasuhin ang sarili gaya ng paglalaba ng kaniyang mga damit at pagligo.
"Ito 'yung underwear niya na ginagawa niyang pads. Makikita n'yo na may dugo pa rin. Araw-araw 'yan," sabi ni Leah na hindi na umano normal para sa edad ng kaniyang tiyahin.
Hindi man dumadaing, alam daw nila na nahihirapan si Eva sa kaniyang kalagayan.
"Matutulog siya po patagilid. Hindi siya patihaya na matulog. Sa tingin namin baka sa paghinga niya. Nahihirapan siya," sabi pa ni Leah.
Napag-alaman na nagtungo noon sa Maynila si Eva at nagtrabahong kasambahay, at nagkaroon ng nobyo.
Pero nang magkahiwalay sila ng kaniyang nobyo, umuwi na muli ng Cebu si Eva. Taong 2008 nang mapansin nila ang bukol sa tiyan nito.
"Maliit pa siya pero matigas siya na parang buko ng niyog. Napagkamalan niya noon na buntis siya. Kada taon po, lumalaki nang lumalaki ang kanyang tiyan," ani Leah. "100% sure na hindi siya buntis kasi wala naman siyang kinakasama ba't mabuntis siya?"
Sa loob ng 16 na taon, hindi nakapagpakonsulta sa doktor si Eva.
Sa tulong ng Rural Health Unit at Barili MDRRMO, nadala sa ospital si Eva.
At nang isailalim si Eva sa CT scan, pelvic at abdominal ultrasounds, natuklasan na tubig ang laman ng tiyan ni Eva dahil sa kondisyon na tinatawag na "ascites," ang pagkaipon ng tubig sa tiyan dahil sa liver disease.
"Everything is normal except for the blood, it is diluted, that's what we call anemia," sabi ni Dr. Olivia Alve Dandan.
Natuklasan din na mayroong ovarian mass si Eva, na pinapangambahan na malignant o cancerous.
"Dito sa ating ultrasound, nakita natin na may mass probably galing sa ovary niya which meron ding possible na 73% malignant which means may tendency na cancer but hindi natin masasabi na 100% kasi iba-biopsy pa natin siya. Usually, the mass, unknown 'yun na cause, it could be hereditary," sabi pa ni Dr. Dandan.
Pinaniniwalaan na ito ang dahilan kaya mayroong pagdurugo pa rin kay Eva.
"We have to remove the fluid first before matanggal 'yung mass. Probably operation. As much as possible, we have to do something sa mass niya. We will not wait na it will complicate pa," paliwanag ni Dandan.
Kaya naman nananawagan sina Leah ng tulong sa mga tao upang maipaopera si Eva at nang mabawasan naman ang paghihirap nito.
Para sa mga nais tumulong, maaaring mag-deposit sa:
LEAH FLORES ROSALES
008850214656
BDO
CARCAR CITY, CEBU BRANCH
—FRJ, GMA Integrated News
