Tila umuusok umano nang makita ng isang lalaki ang isang bato na kaniyang nadaanan sa Pasay City. At nang lagyan ito ng maliit na magnet, dumikit ang magnet kaya naghinala ang kaniyang mga kaanak na baka bulalakaw ito na posibleng milyon piso ang halaga. Tama kaya sila? Alamin.
Sa programang "AHA!," sinabi ni Jenelyn Batutay na bayaw niya ang nakakita sa bato na umaabot sa 10 kilo ang bigat kahit hindi naman kalakihan ang hugis.
Pauwi na raw ang kaniyang bayaw nang madaanan nito ang bato na tila umuusok pero hindi niya kaagad lubos na binigyan ng pansin.
Pero nang may napanood ang kaniyang bayaw na episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" tungkol sa bulalakaw, naalala nito ang bato na kaniyang nadaanan.
Binalikan daw ng kaniyang bayaw ang bato at iniuwi. Hanggang sa makita ni Batutay na sinusubukan nang pakapitan ng magnet ang bato na kumakapit naman.
"Naisip namin na baka may value yung bato gawa nang nama-magnet nga. Iniisip namin milyon nga [ang halaga] pang negosyo," sabi ni Batutay.
Ayon sa AHA, may mga nakatalang pangyayari na may nakitang bato sa Pilipinas na kumpirmadong bulalakaw. Isa na rio ang nakitang bato sa Pampanga noong 1859.
Noong 2022, may nakita ring bato na kumpirmadong bulalakaw sa Ponggo, Quirino. Habang nitong nakaraang taon sa Palawan, may hinihinalang insidente na may bumagsak din na bulalakaw.
Gayunman, hanggang ngayon ay hindi pa nakikita ang posibleng bato na naiwan nito dahil pinaniniwalaang bumagsak ito sa kagubatan.
Ayon kay Abe Ambrocio, Philippine Meteorite collector, isa sa mga indikasyon na bulalakaw ang isang bato ay kapag dumikit dito ang magnet dahil sa iron-nickel. Gayunman, may mga bulalakaw daw na hindi kinakapitan ng magnet pero napakapambira nito.
Dala ang sample ng maliit na bato ng bulalakaw, sinuri ni Ambrocio ang bato ni Batutay.
Ngunit kumpara sa dala niyang maliit na bato ng bulalakaw na kaagad na kinakapitan ng malaking magnet, ang bato ni Batutay, hindi kinapitan.
Sinuri din ni Ambrocio ang pisikal na hitsura ng bato ni Batutay. Kumpara sa dala niyang maliit na bulalakaw na may fusion crust o epekto sa hugis dahil sa pag-ikot sa kalawakan, ang bato ni Batutay, wala rin.
Dahil amoy sunog ang bato ni Batutay, hinala ni Ambrocio, nakapuwesto ang bato sa lugar kung saan may nagsusunog ng mga bagay.
May kumikinang din na tila butil ng crystal sa bato ni Batutay, na wala na raw dapat sa mga bato ng bulalakaw.
Ang mga pagkinang na ito ay makikita umano sa mga igneous and metamorphic rocks o sa mga karaniwang bato.
Kaya ang pasya ni Ambrocio sa ginawa niyang pagsusuri sa Bato ni Batutay, hinihinala niya na 95 percent na hindi bulalakaw ang napulot na bato.
Ipinaliwanag din ni Ambrocio wala pang laboratoryo sa Pilipinas na may kakayahang magsuri at magbigay ng pinal na kapasyahan kung bulalakaw o hindi ang isang bato.
Nang malaman ni Batutay ang resulta ng pagsusuri sa kanilang bato, hindi niya itinago na nadismya siya.--FRJ, GMA Integrated News