Ilang residente sa Bulacan ang nakatanggap ng P2,500 o higit pa matapos silang pumila at magpa-scan ng mga mata. Ngunit ang iba, nagdududa sa tunay na pakay ng grupong nasa likod nito. Para saan nga ba gagamitin ang nakuhang datos mula sa mata ng mga residente? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” mapanonood sa isang video ang mahabang pila ng mga taga-Plaridel sa isang gym, na hinikayat na mag-install ng app ng isang kompanya, upang makapagparehistro sa gagawing pag-scan sa kanilang mga mata.
Samantala, Enero 14 naman nang mag-schedule rin ang isang grupo para din sa iris scanning sa isang evacuation center sa Bulakan.
Kasama sa mga pumila ang magkapatid na Elenita at Evangeline Serrano, at lima pa nilang kaanak. Para makatiyak na hindi sila maloloko, in-install na nila ang app sa kanilang mga cellphone bago pa sila pumila.
Hiningi lamang ng app ang kanilang mga username, currency, phone number, active e-mail, ngunit hindi hiningi ang kanilang address o ID.
Pagkapasok, dumaan sila sa orientation. Ang huli nilang step, magpa-iris scan sa kung tawagin ay “Orb,” saka nila makukuha ang kanilang pabuya.
Ang iris, tulad ng fingerprints, may natatanging pattern na maaaring gamitin bilang identification o pagkakakilanlan.
“‘Yung mga characteristics naman ng iris natin, meron tayong ridges at meron tayong folds. ‘Yung kaniyang arrangement, it's very unique for each individual. ‘Yung fingerprint kasi meron tayong 40 markers lang. But with the iris, we can have about 250 unique markers per each individual. That's why it's very reliable when it comes to identifying the identity of each person,” paliwanag ni Dr. Lareen Dawn Tan, comprehensive eye specialist.
Dahil sa pangakong pera, itinuloy na ng mga pumila ang pag-scan sa kanilang mga mata. Ngunit matapos magpa-scan, hindi nila agad natanggap ang ipinangakong pera, dahil isa pala itong cryptocurrency o digital currency na ibibigay matapos pa ang 24 oras.
May katumbas na halaga ang bawat token na kailangan muna nilang i-convert bago maging pera. Kaya ang mag-anak, muling pinag-install ng app para magawa ito.
Matapos i-convert ang natanggap na token sa kanilang app, kada isa sa kanila ang nakatanggap ng mula P2,100 hanggang P2,500. Bukod dito, meron pa umano silang dagdag na reward na makukuha kada buwan sa loob ng isang taon, na aabot sa higit P3,000.
Gayunman, ang tricycle driver na si Henry, na sumailalim sa lahat ng requirements, hindi naman na-withdraw ang natanggap niyang dagdag na 48.50 tokens na naglalaro ng mahigit P3,000. Dahil dito, plano niyang i-delete ang in-install niyang app.
Base sa pagsasaliksik, nasa likod ng proyektong ito ang “World” na inilunsad noong Hulyo 2023. Isa sa mga nagtatag nito ang Chief Executive Officer (CEO) ng kumpanyang OpenAI na si Sam Altman.
“I hope that a protocol like World will be an interesting way that people can transact with each other with AI systems,” sabi ni Altman.
Mula nang ilunsad ang World, milyon-milyon na ang nag-sign up para ipa-scan ang kanilang mga iris, kapalit ng isang digital ID at libreng cryptocurrency o token na maaaring gawing pera.
Gayunman, ilang bansa gaya ng Spain, Portugal at Kenya, ang nag-ban sa World at ipinatigil ang pagkolekta nila ng personal data mula sa mga residente.
Ipinaliwanag ng spokesperson ng World sa Pilipinas na si Atty. Enrique dela Cruz Jr., nagsagawa sila ng iris scan para mapatunayan na ang nagparehistrong user ay mga totoong tao at hindi artificial intelligence o AI.
“Mas accurate siya kaysa sa facial recognition, kaysa sa fingerprint. ‘Yung scan mo, i-convert nila into an alphanumeric code. Walang hihinging impormasyon sa 'yo. Tatanungin lang kung ano birthday mo para malaman kung ikaw ay above 18. So, hindi ini-store ang picture ng iris,” sabi ni dela Cruz.
Plano ng World na maglunsad ng isang digital identity system kung saan makatatanggap ng tinatawag nilang World coin token ang sino mang magsa-sign up o lalahok.
Nagpaliwanag din si Dela Cruz kung bakit sila namimigay ng pera kapalit ng pag-IRIS scan.
“Ang marketing tool, ‘pag na-verify ka, puwede magkaroon ka ng access doon sa produkto ng world, which is the World Coin,” anang abogado.
“‘Yung value niya nag-iiba because may exchange rate. In other countries, accepted na kasi ‘yung cryptocurrencies. Dito sa Pilipinas, parang medyo mas unknown pa eh. But we're getting there,” paliwanag naman ng crypto expert na si Luis Buenaventura.
“Hindi siya scam. Makabago at hindi pamilyar, tama,” depensa ni Dela Cruz. “‘Yung iris scan, hindi nakalagay kung sino ka. Walang pangalan, walang address. So, anong nanakawin sa iyong impormasyon?”
Dagdag ni Dela Cruz, hindi siya paglabag sa data privacy right dahil boluntaryo ang pagbibigay at walang personal information na hinihingi. Dumaan din umano ito sa lahat ng ahensya ng gobyerno.
Gayunman, naglabas ng pahayag ang National Privacy Commission (NPC) na mag-ingat sa isinasagawang iris scan sa Bulacan.
Kahit nag-issue sila ng Certificates of Registration sa naturang grupo, hindi nangangahulugang pinahihintulutan o aprobado nila ang paraan ng data collection.
Ayon pa sa NPC, sensitibong personal information ang biometric data gaya ng iris scan na maaaring magdulot ng privacy at security risk sa isang tao kapag nanakaw.
“Batay po sa datos ng SEC, ang World po ay hindi rehistrado sa Pilipinas. Parati pong pinapaalala ng SEC na lagi lang makipag-transact sa mga rehistradong korporasyon. Maging mapanuri,” sabi ni Atty. Paolo Montano Ong, Assistant Director ng PhiliFintech Innovation Office.
“There is no need to register the company in the SEC since it is a technology provider with no business operations in the Philippines,” sabi naman ng World sa kanilang pahayag.
Sa bahagi naman ng PNP-Anti-Cybercrime Group, may ginagawa silang online investigation at cyber patrolling matapos silang makakita ng mga ulat at posts kaugnay sa insidente. -- FRJ, GMA Integrated News