Kadalasang mga kandidato ang sinisita, ipinagpapaliwanag, at kung minsan ay pinaparusahan dahil sa alegasyon ng vote buying. Pero ang mga taong tumatanggap naman ng pera o pabor mula sa kandidato, may nilalabag ding bang batas at maaaring parusahan?"Opo, kung magiging istrikto po tayo, yes, meron din pong violation. Kasi meron po tayong tinatawag na election offense na vote selling," sabi ni Atty. Helen Graido, Director ng Electoral & Technological Policies ng LENTE sa panayam sa kaniya sa GTV News Balitanghali nitong Martes."So, two-way straight po ito. Ang vote selling at vote buying, once na nagawa po ang transaction, parehas po itong nagiging violation," pagpapatuloy niya.Sa ilalim ng Batas Pambansa Bilang 881, Section 261(a), (Omnibus Election Code of the Philippine), nakasaad na bawal ang vote-buying at vote-selling, at may karampatang parusa sa mga mapapatunayang lalabag.Hinihikayat ni Graido ang mga botante na mag-report tungkol sa mga insidente ng vote buying kahit sila mismo ang nakatanggap, dahil may proteksiyon ang batas.Ilan sa mga pinakamatibay na ebidensiya ng vote buying ang mga litrato ng ipinamimigay na goods o pera ng kandidato, at nandoon din ang mga tauhan ng mga kandidato at ang mismong kandidato."Pag po makapag-record kayo ng video, ipi-play ang jingle nila, nandiyan ang poster, nandiyan 'yung mga polyeto po nila or mga pamplet. So, puwede po 'yun po 'yung mga evidence na puwedeng makalap po ng mga gusto pong magreklamo about vote buying," paliwanag niya.Ayon kay Graido, kung minsan ay nagiging lantaran o hindi na itinatago ang bigayan ng pera mula sa kandidato.Nakakakita umano siya ng mga pagpupulong sa basketball court, at maging sa open area na ipinapatawag ang mga tao para tumanggap ng pera mula sa mga kandidato."May mga gumagamit ng private function area, may iba pa akong nalaman na gumagamit ng mga sinehan sa loob ng mga mall sa siyudad para ipulong ang mga mahal na senior citizens para makatanggap ng pera para sa mga kandidato," patuloy niya.Naniniwala si Graido na nagiging lantaran ang bentahan ng boto dahil hindi batid ng lahat na labag sa batas ang vote buying.Idinagdag pa niya na may mga tao na sadyang mahigpit ang pangangailangan."May nakakausap din ako na sinasabi nga na samantalahin na lang namin ang panahon na ito [ng eleksyon] para makabawi man lang sa mga kandidato na dati nang nangurakot," sabi pa niya.Samantala, ang abuse of state resources naman ay ang misuse o hindi paggamit ng mga kasalukuyang nakaupo o incumbent sa tamang paraan ng mga pera o funds ng bayan."Makikita po natin, ginagamit 'yung mga mismong infrastructure, 'yung mga transportation, mga sasakyan, pati na 'yung mga tao na sinusuweldohan. Nagamit po ang pera ng bayan na ginagamit po ito for their own electoral advantage," sabi ni Graido. -- FRJ/GMA Integrated News