Dahil nahirapang tanggapin ang maagang pagpanaw ng ama, napabarkada at nalulong sa bisyo ang isang binatang 16-anyos lang noon. Habang sa makulong na siya sa edad na 20. Sa loob ng piitan, namulat siya sa nagawang mga pagkakamali. Kaya nang makalaya, pinatunayan niyang hindi pa huli ang lahat upang magbago at makabawi sa kaniyang ina na labis niyang nasaktan.

Sa nakaraang episode ng “Good News,” ikinuwento ng 25-anyon na ngayon na si Josef Von Clyde A. Ventic, mula sa Malaybalay City, Bukidnon, ang kuwento ng kaniyang pagkakadala sa buhay at pagbangon.

“Nag-start akong mag-drugs, 16 years old ako. Habang minor pa ko ay nalista na ako sa DSWD na kukuhanin,” kuwento ni Clyde.

Bago nito, nagkaproblema si Clyde sa bahay nang maagang pumanaw ang kaniyang ama dahil sa stroke at pneumonia.

“Hindi ko matanggap na nawala na lang bigla ang aking papa,” sabi ni Clyde.

Naulila sina Clyde, kaniyang ina at kapatid, na umaasa lamang sa maliit na tindahan. Upang takasan ang mga problema, barkada ang naging kanlungan ni Clyde.

“Naimpluwensiyahan ako ng aking mga barkada na mag-drugs, magbisyo. Tapos sa kakulitan din. Hindi ko rin naisip na hindi maganda ‘yung mga ginagawa ko,” sabi ni Clyde.

Sa edad na 20, tuluyan nang nahuli at nakulong si Clyde.

“Almost a year kong hindi nakita ang aking mama, aking pamilya. Mahirap talaga dahil una sa lahat, pandemic, walang dalaw. Kung makadalaw man sila, nakaka-abot sila ng pagkain, pero sila ay nasa labas lang. Mahirap talaga roon. Malayo sa pamilya,” sabi pa ni Clyde.

Ngunit pinakamasakit para sa kaniya ang kahihiyang naranasan ng kaniyang pamilya dahil sa kaniya, lalo’t pinalaki naman sila sa mabuting gabay ng kanilang ina.

“Grabe din talaga ang kahihiyan ang naidulot nito sa apelyido ng aking pamilya, na ang isang miyembro ng pamilya ay nakulong, naiba ng landas. Kaya medyo disappointed din sila. Nasaktan din talaga sila na nakulong ako,” ani Clyde.

Nagsisi ang binata sa kaniyang mga ginawa at nagdesisyong magbagong-buhay. Sinimulan niya ang pagbabago sa kulungan sa pamamagitan ng pakikisalamuha sa mga kapwa inmate, at sumali sa mga programa ng BJMP gaya ng Malaybalay City Jail Dancers.

Pagkaraan ng isang taon, lumabas na si Clyde sa piitan, na may pangakong itutuwid ang landas at magbabagong buhay.

Nagdesisyon siyang bumalik sa pag-aaral at kumuha ng kursong criminology, na siyang nagbigay sa kaniya ng motibasyon sa pagbabago.

Makaraan ang apat na taong pagsisikap, nakapagtapos na ng criminology si Clyde nitong Mayo. Inaalay niya ang tagumpay para sa kaniyang pamilya.

Dinalaw din niya ang puntod ng kaniyang ama suot ang toga at dala-dala ang kaniyang diploma.

Bukod dito, bumalik din si Clyde ang Malaybalay City Jail kung saan siya nadetine, at pinasalamatan ang mga opisyal na naging daan sa kaniyang pagbabagong-buhay.

“Change is the only permanent thing in the world. Lahat tayo ay magbabago. Hindi ibig sabihin na ganiyan ka, ay habambuhay ka na lang ganiyan. Ang tingin ng tao sa akin is very negative talaga hindi lang sa pamilya ko pero pati sa ibang tao. Hindi ibig sabihin na naging gano’n ako noon ay ganoon na lang ako palagi,” anang binata na planong maging pulis o miyembro ng BJMP.-- FRJ, GMA Integrated News