Kalunos-lunos ang sinapit ng dalawang batang magkapatid, na magkapatong na bangkay nang matagpuan matapos masunog ang nakakandado nilang kubo sa Sinacaban, Misamis Occidental. Ano nga ba ang sanhi ng sunog? Alamin.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," inilahad ng mag-asawang sina Jennefer Macadildig at Wilfredo Burlat Jr. na bago sila magpunta sa bukid, nagsiga sila ng apoy na malapit sa kanilang bahay bandang 6 a.m. para magkape.

Bago umalis papunta sa bukid, binuhusan nila ng tubig ang baga ng apoy.

Upang matiyak na hindi makalalabas ng pinto ang mga anak nilang sina Mark Anthony, 4-anyos, at nakababatang kapatid na si Jemuel, 2-anyos, ikinadena nila ang pinto para sa kaligtasan ng mga bata.

Pero habang wala sila, nangyari na ang malagim na insidente nang masunog ang kanilang bahay at nakulong ang mga bata sa loob dahil sa kadena.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Sinacaban Municipal Fire Station, posibleng hindi ganap na naapula ng mag-asawang sina Jennefer at Wilfredo. ang baga mula sa kanilang pinag-initang tubig, na maaaring pinagmulan ng sunog.

"Hindi nila na-predict na may heat transfer tayo. 'Yung init ng apoy puwedeng ma-conduction sa ilalim ng sahig nila. Kahit pinatay pa nila ang apoy, kasi light materials po, gawa sa bamboo stick, may mga karton ng damit sa ibabaw ng sahig, mga higaan nila, dito rin nakalagay lahat," ayon kay SFO4 Stephen Florida, chief ng Investigation and Intelligence Unit ng Sinacaban Municipal Fire Station

Ngunit si Jennefer, hindi naniniwala na nagmula sa kalan ang sunog.

"Hindi ako makapaniwala sa sinasabi nila kasi matagal muna bago kami umalis. Makikita sana namin kung may usok pa," sabi niya.

Inilibing na noong nakaraang Martes ang magkapatid.

Tunghayan sa KMJS kung paano hinaharap ngayon ng mag-asawang sina Jennefer at Wilfredo ang pagkawala ng dalawa nilang anak. Alamin din ang posible nilang pananagutan sa batas, at kung handa nila itong harapin. Panoorin. – FRJ, GMA Integrated News