Hindi gulay ngunit madulas, mahaba, at may ibinubugang puting likido mula sa katawan— ito ang Balatan o sea cucumber, na kinakain at ginagawang content ng isang vlogger mula sa taga-Burias Island sa Masbate.
Sa nakaraang episode ng “Dami Mong Alam, Kuya Kim!” sinabing kabilang sa pamilya ng holothuroidea ang mga sea cucumber kasama ng mga starfish at sea urchin.
Tinatawag ding “bat,” “balat,” ang mga sea cucumber, na hango ang pangalan sa pagkakawig ng hitsura nito sa pipino. Nakukuha ang mga ito seabed, hindi lang para kainin kung hindi para gawing traditional medicine.
Ang sea cucumber lover na si Ricky Alcaraz, lumaki sa Burias Island kaya alam niya ang buhay-dagat dahil dito sila kumukuha ng ulam sa araw-araw.
Kalaunan, lumipat siya sa Rizal para bumuo ng sariling pamilya at doon nagtrabaho bilang tricycle driver. Gayunman, dahil maliit ang kita niya para sa pamilya, naisip niyang bumalik sa dagat sa Burias Island.
Ginawa niya na ring content ang pangunguha ng balatan, at paborito niya itong gawing kilawin dahil marami ito sa kanilang isla.
Tinatayang may nasa mahigit 100 known species ng sea cucumber sa Pilipinas.
Sa lugar nina Alcaraz, kadalasang nakukuhang sea cucumber ang Hanginan.
Paliwanag ni Kuya Kim, mayroong pakiramdam ang mga sea cucumber kahit wala silang ulo at utak. Kahit walang ilong, humihinga umano ang sea cucumber sa puwitan, kung saan dumadaan ng tubig para makakuha sila ng oxygen.
“Most of them have this parang kulay na medyo grayish,'yung iba medyo brown. Kapag mas marami silang nakakain, mas lumalaki sila compared kapag less 'yung available na food sa environment nila. They feed on microscopic na mga algae, mga bacteria na naka-attach sa mga sun particles, sa mga rocks,” paliwanag ni Glaiza Ibañez, researcher, Marine Invertebrate Ecology Laboratory ng UP-MSI.
Samantala, ang puting likido naman na kanilang nilalabas ay napag-alaman na parte ng kanilang lamang-loob. Inilalabas nila ito bilang pandepensa sa sarili. Kaya rin ng mga sea cucumber na magpatubo ng nawawalang organs.
Alamin kung papaano niluluto ang sea cucumber na sinabawan na may miki. Panoorin. – FRJ, GMA Integrated News
