Inilahad ng Commission on Population and Development (POPCOM) ang obserbasyon nito na ilang Pinoy couples ang mas pinipiling mag-alaga ng hayop kaysa magkaroon ng sarili nilang anak sa pagbuo ng pamilya.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing ilan sa mga dahilan ng couples na nakikita ng POPCOM ang pinansiyal na kakayahan at iba pang plano sa buhay.
“Actually, sa qualitative study po namin, sinasabi na ‘yung mga Pilipino gusto kasi nila economic considerations first. And even some prefer pets over children. And uso po ‘yan ngayon. Some gusto nila mag-travel muna bago magkaroon ng anak,” sabi ni Mylin Mirasol Quiray, Chief Knowledge Management and Communications Division ng Commission on Population and Development.
Ang couple na sina Kenzie Basa at Yuki na isang buwan pa lang magkarelasyon, sinabing nasa plano na nila ang magkaroon ng anak sa hinaharap. Para sa kanila, puwede namang parehong pet at baby ang alagaan.
“Same, baby atsaka pets. Para sa paglaki ng bata, may kasama pa rin po ‘yung bata. Kasi may pets na rin po siya (Yuki). Kaya ang kailangan na lang po namin is baby,” sabi ni Kenzie.
Sina Maricor Donato at Mark naman, mahigit dalawang dekada nang kasal at may dalawa nang anak.
“Iba pa rin talaga 'yung children. Iba kasi 'yung feeling na galing sa 'yo tapos ikaw 'yung mismong nagpalaki. Nakakausap mo, they can say ‘I love you too’ ‘pag nag-‘I love you’ ka. For me it's better or best talaga to have children,” sabi ni Maricor.
Gayunman, aminado ang mga couple na malaking responsibilidad ang pagkakaroon ng anak kaya hindi dapat magpadalos-dalos.
“Kailangan po namin pag-ipunan nang mabuti para paglabas ng baby, nakahandaan na rin po kami,” sabi ni Kenzie.
“It's a big responsibility to be a parent, so you have to be sure na pag nag-anak ka, may future sila. Prepared ka sa studies nila, of course sa welfare and needs nila,” sabi ni Maricor. – Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
