Magkakasama sa paggawa ng love scam, isang Pinay na dating POGO worker sa Lucky South 99 Corporation sa Porac, Pampanga, ang umibig sa kapwa POGO worker na Chinese at nagkaroon sila ng pamilya.

Sa ulat ni John Consulta sa “I-Witness,” ikinuwento ng dating POGO worker na si “Angel,” hindi niya tunay na pangalan, ang ginawa niya noon sa kaniyang trabaho at kung paano niya naging nobyo ang Chinese na si “Chen.”

“Kailangan mapahulog, kumbaga kailangan mai-in-love sa amin 'yung prospect para magawa namin 'yung pinaka-task na binigay [ng lider]. So, everyday, hindi puwedeng walang video call na nangyayari,” sabi ni Angel.

Ngunit taong 2022 nang makilala ni Angel si Chen dahil magkasama sila sa isang compound.

“‘Yung pagka-caring niya talaga. Iba 'yung 'yung love language niya. Hindi man siya magsabi pero pinapakita niya talaga sa gawa niya,” ani Angel.

Makaraan ang limang buwan, nagkaroon sila ng anak.

“Noong first time niyang malaman na buntis ako, pina-stop niya na talaga ako mag-work. Tapos, eh kasi hindi talaga kami magkasama nu’ng buntis ako, kasi stay-in siya. So ako umuwi po sa amin. Pero everyday naman, kahit paano, hindi ko nararamdaman na hindi ko siya kasama,” sabi ni Angel.

Hindi pa man nasisilayan ni Chen ang pagsilang ng anak nila ni Angel, nawalay na siya sa kaniyang mag-ina matapos ma-raid ng mga awtoridad ang kaniyang pinagtatrabahuhan.

“Lagi niya nga pong sinasabi sa akin na 'yung nangyari sa kaniya ngayon, 'yun po talaga 'yung pinakamalaking pinagsisisihan niya sa buhay niya. Kasi 'yung anak niya, three months pa lang po, nahuli na siya. So kumbaga lumaki 'yung anak ko na wala talaga siya. Tapos ngayon mag-two years old na, andiyan pa rin siya sa loob. Ni walang progress kahit ano,” sabi ni Angel.

Kasalukuyang nakadetene si Chen sa pasilidad ng PAOCC sa Pasay City, kung saan din siya nahuli ng mga awtoridad.

Nagkaroon din ng pagkakataon sina Angel at anak nilang si “Kurt” na dalawin ang kanilang padre de pamilya.

“I feel excited and happy and so lucky,” sabi ni Chen tungkol sa pagkasilang noon ni Kurt.

Sabi naman ni Chen tungkol sa kaniyang pamilya: “I love them very much. Because my wife is my true love and he is my only son. Of course, I appreciate everything I have now. That’s why I love them very much.”

Kaiba naman ito sa kuwento ng Pinay na si “Pam” at kinakasama niyang Chinese, na dati ring POGO worker sa Cebu City.

Disyembre 2024 nang mapabilang sa mass deportation ng PAOCC ang partner ni Pam. Mapanonood sa isang video ang pamamaalam ni Pam bago ang tuluyang pagpapauwi sa kaniyang kinakasama pabalik ng China.

“Nasasaktan na 'yung tatay ng mga anak ko aalis,” sabi ni Pam.

Hindi raw pumayag ang kaniyang kinakasama na makita siya ng kanilang mga anak na aalis.

“Ayaw niya po kasi makita 'yung mga anak niya na nakatali siya, tapos aalis siya. Ayaw niya rin po siguro masaktan ‘pag pumasok na siya sa loob tapos 'yung anak niya nakikita niya,” kuwento ni Pam.

Naiwan sa pangangalaga ni Pam ang dalawa nilang anak.

Sa likod nito, matinding trauma rin ang naidulot ng kanilang relasyon kay Pam.

“Nagkasakitan po kami. Galing po siya ng hotel, mga around 3 a.m. po. Pagpasok niya po, kasi ang paalam niya sa akin, kakain lang po sila. Tapos inabot na po ng hanggang 3 a.m., wala pa din. Saktong pagdating niya, sinampal ko po. Tapos ayun, sinampal niya din po, kaliwa’t kanan, tinulak niya ako. Doon po kami nagkasakitan,” ani Pam.

Walong buwan daw si Pam na buntis noon sa pangalawa nilang anak nang magkapisikalan sila ng kaniyang kinakasama.

“‘Yung friend ko pumunta po doon kasi dinugo na po ko eh. 'Yung tiyan ko naninigas na, hindi na ako makakilos, tapos siya wala lang po. Pumasok lang po ng kuwarto. Tapos 'yung friend ko na po nagsugod sa akin sa ospital,” sabi ni “Pam.”

Mula sa pisikal na pang-aabuso, wala na ring inaasahan si Pam na sustento galing sa tatay ng kaniyang mga anak.

Sa kabila ng mga pagsubok na kaniyang pinagdaanan, isa siya sa mga nagiging sandigan ng mga katulad niyang ina ng “POGO babies.”

“Minsan po ‘pag wala sila, walang-wala, binibigyan ko. Tapos palagi ko po sinasabi sa kanila na mag-pray lang kayo na sana one day maging okay ang lahat. Try niyo gumawa rin ng paraan kasi hindi habambuhay nasa loob lang kayo ng bahay, iiyak, iisipin lang 'yung asawa niyo. ‘Pag inisip niyo na inisip lang 'yung asawa nyo, wala kayong kakainin bukas,” saad niya.

Sa kabila ng mapait nilang pagsasama, may mensahe si Pam sa kinakasama niyang Chinese na si “Jeff.”

“Sa ngayon po, ingatan niya po sa sarili niya. Na huwag niya papabayaan ang sarili niya. At palagi lang po siya mag-pray. Palagi lang po siya magdasal na sana malagpasan niya lahat ng pinagdadaanan niya,” sabi ni Pam. – FRJ, GMA Integrated News