Hindi na kailangang umuwi ang isang mag-asawang content creators sa Camarines Norte sa tuwing bumibiyahe dahil ang kanila mismong sasakyan na “tri-wheel” ang ginawa na nilang bahay.

Sa isang episode ng “Biyahe ni Drew,” itinampok ang mag-asawang sina Benjo at Rox Dimaandal, na mahilig talagang bumiyahe.

Ang kanilang tri-wheel, mayroong living area, bedroom, kitchen, at CR, na eksakto na para sa pangangailangan ng mag-asawa.

“Kasi may mga misconception doon sa tricycle. Kasi ang pinaka-definition ng tricycle is 'yung motor na nilagyan ng sidecar. Pero may isa rin naman po ang tawag niya is tri-wheel, which is 'yung proportion na siya, na nasa gitna 'yung driver, tapos dalawang gulong sa likod,” paliwanag ni Benjo sa kanilang sasakyan.

Ang mag-asawa, dumaan muna sa pagsubok bago sila nagdesisyong tumira sa tri-wheel.

“We've been hit hard. Noong pandemic, talagang wipe out 'yung lahat ng assets namin. Before, naging mobile car wash muna ito. Tapos parang everything, kumbaga, hindi nag-work out for some reasons. So sabi ko, why don't we just go ahead with our plan A, which is 'yung mag-travel. Yun talaga 'yung passion namin,” sabi ni Benjo.

Sa kanilang biyahe, minsan na ring nasiraan sa daan ang mag-asawa at sinalanta pa ng bagyo ang kanilang sasakyan.

Pero sa halip na panghinaan ng loob sa mga pagsubok, lalo pang tumibay ang passion nila sa biyahe, at maging ang relasyon nina Benjo at Rox.

“Sabi ko, if we can make a career out of itong pagta-travel, then we're doing life right. Parang kagaya mo sir, Biyahe ni Drew,” biro ni Benjo kay Drew.

Kaya ang tri-wheel nina Benjo at Rox, kung saan-saang magagandang lugar pumupunta at tumigil.

“Happiness, kumbaga for me, it's a decision. Kasi lagi naman meron at meron mga bagay na hindi umaayon. So, actually hanggang ngayon medyo struggling. Pero we cannot wait for things to be parang perfect, para mag-decide kami to be happy, to do our things,” sabi ni Benjo. -- FRJ GMA Integrated News