(Trigger warning: This article mentions gun violence)
Magkakasunod ang ilang insidente ng pamamaril na naganap sa loob at labas ng ilang paaralan sa bansa. Kabilang dito ang pagbaril ng isang estudyante sa kaniyang guro, at ang pagbaril ng isang estudyante sa dating niyang nobya na estudyante rin. Bakit nga ba ito nangyari? Alamin ang kuwento.
Balabagan Trade School
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo Jessica Soho," binalikan ang sinapit ng 37-anyos na guro na si Danilo, na binaril at napatay sa labas ng pimapasukang eskuwelahan sa Balabagan Trade School sa Lanao Del Sur.
Nakatakas ang suspek sa krimen na si "Allen," na estudyante ng biktima. Pero pagkaraan ng ilang araw, naaresto rin siya sa tulong ng kaniyang kapatid na isang pulis.
Ayon kay Cherry Rose, kapatid ni Danilo, mabait ang biktima at propesyonal pagdating sa kaniyang trabaho.
"Umiyak po ako. Sobrang lungkot. Kasi minsan lang kami magkita. Tapos 'yung pagkikita namin patay na siya. Hindi ko maipaliwanag 'yung nararamdaman ko," saad niya.
Si "Allen," first year college student ni Danilo, at binigyan ng “incomplete grade” ng biktima. Pero ayon sa suspek, hindi lang grado ang nagtulak sa kaniya para patayin ang kaniyang propesor.
"'Yung pananalita ni Sir, masasakit, hindi ko natiis," ani Allen. "Pinapahiya na ako. Parang hindi niya ako tinatratong estudyante roon."
"Kasi may ano na ako sa kaniya... galit," dagdag niya.
Lumitaw din na may iba pang propesor na nagbigay ng hindi magandang grado kay Allen. Gayunman, wala raw siyang plano na saktan ang mga ito.
Ayon sa pulisya, pinayuhan noon si Allen na pumunta sa guidance counselor para ayusin ang mga marka nito. Gayunman, minasama umano ito ng suspek.
"Pinapaaral kasi siya ng kanyang kapatid. So dahil siguro sa takot na mapagalitan siya ng kuya niya, hindi siya maka-proceed to 2nd year level, ayun. Ang solusyon niya, binaril niya," ayon sa pulisya.
Ang caliber 45 na baril na ginamit ng suspek, pag-aari umano ng kaniyang ama na pumanaw na.
"Gusto kong malaman nila, nagsisisi na ako sa ginawa ko. Hihingi lang ako Sir ng tawad sa kanila. 'Yun lang po," sabi ni Allen.
Pero desidido si Cherry Rose na sampahan ng kaso si Allen para mabigyan ng hustisya ang kaniyang kapatid.
Dahil sa insidente, ilang guro sa Balabagan Trade School ang nagbabalak na lumipat ng ibang paaralan o kaya naman ay nagbibitiw na lang.
Wala pang pahayag ang pamunuan ng paaralan tungkol sa naturang usapin.
Santa Rosa Integrated School
Nagimbal naman ang mga nagtuturo at nag-aaral sa nangyaring pamamaril sa Santa Rosa Integrated School sa Nueva Ecija noong August 7.
Ang suspek sa krimen, ang 18-anyos na si Menard, na nagbaril sa sarili matapos na barilin ang biktima na si Zhene, na dati niyang kasintahan at dating kaeskuwela.
Taong 2023 nang maging magkarelasyon ang dalawa. Isang OFW ang ina ni Menard, kaya itinuring niyang pangalawang ina ang ina ni Zhene na si Elvie.
Kuwento ni Elvie, naglalabas ng saloobin sa kaniya si Menard, gaya ng problema sa pamilya.
"Sabi niya, 'Tita, may problema. Lagi niya pong inaano sa akin 'yung magulang niya, kapatid niya. Hindi na nga daw po siya pinapansin. 'Yun po sanang gusto niya 'yung ma-comfort siya, wala po siya mapagsabihan, kaya sa akin po nagsasabi," ani Elvie.
Batid daw ni Elvie ang relasyon ng kaniyang anak na si Zhene kay Menard.
Nang maghiwalay ang dalawa, nagpagpasyahan ng kanilang mga pamilya na paghiwalayin ng paaralan sina Menard at Zhane, upang matutukan nila ang kanilang pag-aaral.
Hanggang nagkaroon ng tsismis na nabuntis umano si Zhene.
"Tumawag sa akin na iyak na nang iyak at ipakulong na nga daw po namin. Sabi ko, 'Tatagan mo 'yung loob mo d'yan, saka huwag kang umiiyak. Hindi naman totoo.' Kinomfort na lang din nu'ng adviser," sabi ni Elvie.
Nang makarating kay Menard ang tsismis na buntis na si Zhene, ikinagalit nito ito. Pilit niya rin gustong makausap ang dating nobya. Nag-post din siya ng: "Nagmahal ako nang totoo. Ginawa ko lahat para sa'yo. Hanggang kamatayan na 'to. Ikaw lang 'yung babaeng panghabambuhay ko, Zhane …. Hiling ko sana maging masaya ka na. Bahala na kung ano ang kalalabasan ng mangyayari. Mamatay man ako."
Binura din ni Menard ang naturang post, at humihingi siya ng paumanhin.
"Nasabi ko pa sa kanya, 'Mula ngayon huwag mo na ako matawag-tawag na tita.' Tapos binago ng anak ko 'yung account niya. Hindi na siguro niya mabuksan. Parang doon na niya napagsama-sama na 'yung isipin niya," saad ni Elvie.
Noong August 7, nagtungo at pumasok si Menard sa paaralan ni Zhene na may dalang baril. Nang hindi pa rin niya nakausap ang dating nobya, binaril niya ito, at sunod na binaril ang sarili.
Si Manard, pumanaw ilang oras matapos magbaril sa sarili. Habang pumanaw naman si Zhene pagkaraan ng halos isang linggo.
Ang kaibigan ni Menard na si Harry, sinabing hindi nila alam na magagawa ng kanilang kaibigan ang naturang karahasan.
"Nagkamali lang po si Menard dahil nga po sa pagmamahal po niya. Sana po mapatawad po nila," sabi naman ni Kerby na pinsan ng suspek.
Samantala, inaalam pa ng pulisya kung saan nakuha ni Menard ang baril na ginamit niya sa krimen.
Ang ama ni Manard, itinanggi na sa kaniya ang baril.
"Matagal ako naging tanod pero hindi ako nagdadala ng baril tsaka batuta," saad niya. "Inisyuhan ako ng baril pero hindi ko man lang minsan naiuwi dito sa bahay. Dahil ayaw ko, umaalis ako palagi."
Ang pamunuan ng paaralan, nananatiling tahimik sa nangyari sa loob ng eskuwelahan. – mula sa ulat ni Nika Roque/FRJ GMA Integrated News
