Bukod sa Buwan ng Wika, ipinagdiriwang din tuwing Agosto ang National Lung Month, upang ipaalala ang kahalagahan na pangalagaan ang baga. At kapag baga ang pinag-usapan, hindi mawawala ang tungkol sa sakit na hika.
Sa programang “Unang Hirit” nitong Miyerkoles, ipinaliwanag ng general practitioner na si Dr. Toby Cruz, na genetic ang hika na maaaring mamana ng ilang bata. Pero hindi raw nangangahulugan na mahina ang baga ng isang bata kapag tinamaan nito.
“Not necessarily [mahina ang baga]. More like ‘yung hika kasi nagko-cause siya because of a certain allergen,” sabi ni Cruz.
Sa kabila nito, may mga bata raw na nalalampasan o na-a-”outgrow” ang hika, o nawawala habang lumalaki ang bata.
“Pagtanda [ng bata], lumalakas 'yung lungs, na-o-overcome. Pero, not all cases,” sabi pa ng duktor.
Ilan sa mga sintomas ng hika ang pagkakaroon ng mala-sipol na tunog sa paghinga. Maaari ding matukoy ang hika sa pamamagitan ng test at paggamit ng machine upang sukatin ang kapasidad ng baga.
Para hindi umatake ang hika, makabubuti umanong alamin kung saan o ano ang allergen sa pasyente upang maiwasan niya at hindi magtuloy-tuloy ang sakit.
Ayon kay Cruz, siya man ay mayroong hika, at ang malamig na panahon ang trigger upang sumpungin siya.
Sinabi naman ng duktor na hindi totoo ang ilang paniniwala tungkol sa hika, gaya ng hindi raw dapat nag-e-ehersisyo ang taong may hika.
“Actually, myth siya. Mas okay nga na mag-exercise para lumakas 'yung baga mo. Although may cases na minsan, asthma can be triggered by exercise. Pero siyempre, kaya may gamot,” anang doktor.
Inihayag din ni Cruz na nakapagdudulot ng hika kung minsan ang sobrang pagtawa.
“Actually, ironic pero oo, nakaka-cause siya talaga ng hika. Sa sobrang pagtawa kasi, parang it releases some hormones na nag-e-inflame lalo 'yung lungs, sumisikip lalo,” paliwanag niya.
Sinabi ng duktor, na hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay maaaring pagmulan ng atake sa hika ang labis na pagtawa.
Pero totoo kaya na nakagagaling sa hika at pagkain ng nilutong butiki, o pagdala sa bata sa tabing-dagat? Alamin ang sagot at iba pang detalye tungkol sa usaping hika. Panoorin. – FRJ GMA Integrated News
