Pinatunayan ng isang magkapatid na “in sickness and in health” ang samahan sa kanilang pamilya matapos i-donate ni bunso ang kaniyang isang bato o kidney para sa kaniyang ate na nagkaroon ng autoimmune disease, na naging dahilan ng pagkasira ng kaniyang mga kidney.

Sa nakaraang episode ng “Good News,” ipinakilala ang magkapatid na sina ate Jocellele at bunso na si Jolo Esplanada ng Marikina.

Sa siyam na magkakapatid, pampito si Jocelle habang bunso naman si Jolo. Madalas nilang bonding ang musika dahil lumaki ang magkapatid sa pamilya ng mga musikero.

Naging masaya ang himig ng buhay ni Jocelle, at nag-e-excel din sa pag-aaral. Labis ang tuwa ng kaniyang pamilya nang makapagtapos siya sa UP Tacloban sa kursong accountancy, at nakapagtrabaho.

Gayunman, hindi inasahan ni Jocelle ang pagsubok na nagbago sa kaniyang buhay, at maging sa kaniyang pamilya.

“My kidneys are working at 6% na lang. So ang sabi ng duktor, initially, hindi pa nila alam kung bakit. So the only way to know is through a kidney biopsy,” kuwento ni Jocelle.

Naalala ni Jocelle ang pagkakaroon niya noon ng rashes sa kaniyang binti, ngunit hindi niya ito ininda sa pag-akalang karaniwang pantal lamang ito.

“Mga three days siya kung mag-flare siya and then nawawala. Feeling ko, I'm always tired. Akala ko fatigue lang or stress sa work,” ani Jocelle.

Kalaunan, nagpasya na siyang magpasuri sa doktor.

“October 3 ng gabi, sobrang hirap na akong huminga. Kasi sobrang parang nalulunod ako. And then ang BP ko is 180, over 120 ata 'yun. And then 'yung heart rate ko umabot ng 150. 'Yun pala, 'yung toxins sa katawan, nagbi-build up na,” anang dalaga.

Hanggang sa ma-diagnose na si Jocelle na mayroong Berger's disease, na isang autoimmune disease, na dahilan kaya napinsala ang kaniyang mga bato.

“Hindi ko alam na nangyayari sa family namin. Tuloy-tuloy na 'yung pagpunta nila sa hospital. 'Yung nakita ko siya, parang sobrang iba na talaga 'yung mukha niya. Tapos parang namamanas na siya, parang iba na ‘to,” sabi ni Jolo.

“Never pa akong na-admit sa hospital noon mga time na 'yun. And then all of a sudden, kailangan ko nang mag-dialysis. So forever na pala ito, magda-dialysis ako three times a week, sabi nila,” ayon kay Jocelle.

Gayunman, nanatili ang suporta ng kaniyang pamilya para kay Jocelle. Hindi rin siya nawalan ng pag-asa na mabibigyan siya ng bagong buhay sa pamamagitan ng kidney transplant.

Una niyang naging kidney donor ang kaniyang kuya, ngunit nakitaan ito ng problema sa mga inisyal na test kaya hindi natuloy. Hindi rin umubra ang isa pa niyang nakababatang kapatid.

Hanggang sa dumaan na ang halos tatlong taon, at nagpatuloy si Jocelle sa dialysis sessions na umabot sa 431. Kasama pa rito ang tatlong denied kidney transplant niya.

Kalaunan, natuklasan na perfect match ang kidney ni Jolo para kay Jocelle.

“Nag-align sa amin lahat perfectly. Walang mga naging complication. Parang blessing talaga na siya. It's meant for us. Parang 'yun na talaga 'yun,” ani Jocelle.

Para naman kay Jolo, “Humiling lang ako ng sign kay Lord na kung ako talaga. Tapos um-okay lahat ng test. Ito na po 'yung pinakamalaking regalo na binigay ko kay ate.”

Makalipas sumailalim sa ilang pagsusuri, Hulyo 15 nang ipagkaloob na ni Jolo sa kaniyang ate ang isa niyang kidney, na pinakamagandang regalo para sa kapatid.

“Nag-work na agad 'yung kidney ko kasi nakaihi na agad si ate. Kaya sobrang saya ko po noon kasi hindi nasayang 'yung binigay ko sa kaniya,” sabi ni Jolo.

Malaki ang ipinagbago ng buhay nilang magkapatid at tumibay pa ang kanilang pagsasama.

“Kung 'yung sa iba, parang normal na lang pa nila 'yun. Pero naging pangarap ko talaga siya na uminom na hindi nagi-guilty, 'yung makaihi lang everyday, blessing na din talaga siya. Kasi dati mahirap talaga sa dialysis pero ngayon ma-experience mo na ulit 'yung pangalawang buhay. So lalo na na gift siya from my brother,” sabi ni Jocelle.

Ngayon isa nang home-based accountant si Jocelle habang si Jolo naman, nasa huling taon na sa kolehiyo.

Kung mayroon man siyang lubos na pinasasalamatan, ito ay si Jolo na hindi nagdalawang isip na ibigay ang isa niyang kidney para dugtungan ang kaniyang buhay.

“Thank you for giving me life. For letting me live again. Because I really thought I'll never be able to experience how to fully live again. But it's all thanks to you. So, Jolo, know that you will always be loved by ate. And I will be here for you until my last breath,” mensahe ni Jocelle kay Jolo.

“I love you, ate,” tugon naman ni Jolo kay Jocelle. – FRJ GMA Integrated News