Masarap na, ginawa pang mas katakam-takam ng mga Bicolano ang ipinagmamalaki nilang kakanin na rice puto. Sinamahan din kasi ito ng macapuno na mabibili sa mga kalsada sa Albay.
Sa nakaraang episode ng “I Juander,” itinampok ang Rice Puto Macapuno na ginagawa ng pamilya nina Macjay Napire na taga-Camarin.
Mula sa pagiging magsasaka, naging hanapbuhay na rin ng kanilang pamilya ang paggawa ng puto macapuno.
“Dati po sa bundok kami, nag-uulam kami ng asin, toyo, tapos minsan po kamoteng kahoy lang. Masaya po ako sa ginagawa po namin na pagtitinda ng rice puto macapuno dahil doon po may improvement tapos nakakaraos na rin po, may naipundar na din po,” sabi ni Napire.
Ang mga nakatikim ng rice puto macapuno nina Napire, kitang-kita ang ngiti matapos ang unang kagat.
Panoorin sa I Juander ang proseso sa paggawa ng rice puto macapuno, na ang mga pangunahing sangkap ay galapong o malagkit na bigas at hinuhulma sa bao ng niyog. – FRJ GMA Integrated News
