Patuloy na dumarami ang mga kaso ng Chronic Kidney Disease (CKD) sa Pilipinas, at maging ang bilang ng mga kabataan at mga bata na apektado, tumataas.

Sa Special Report episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” nitong Linggo, ipinakilala si Dodie mula sa Conner, Apayao, na na-diagnose ng CKD sa murang edad na kinse.

Aminado si Dodie na naging mahilig siya sa junk food at soft drinks habang lumalaki.

"Kasi noong bata ako, 'pag nasa school eh puro sitsirya. Umaga, tanghali," saad niya. "Hindi na po ako uminom ng tubig."

Hanggang sa makaranas siya ng pamamaga ng katawan, pananakit ng likod, at hirap sa pag-ihi.

Nang magpa-check-up, doon na natuklasan ang kaniyang sakit sa bato, at isinailalim siya kaagad sa dialysis.

Tatlong beses sa isang linggo kung magpa-dialysis si Dodie upang malinis ang kaniyang dugo.

Ipinapadaan ang dialysis sa tinatawag na arteriovenous fistula o ugat sa braso. Pero dahil na rin sa ilang beses itong ginagawa sa kaniya, kapansin-pansin na namamaga ang ilan ugat niya sa braso.

Sa dialysis, nililinis ng makina ang dugo upang alisin ang toxins, labis na asin at fluid na dapat ang mga bato ang gumagawa. Kapag nalinis na ang dugo, ibabalik ito sa katawan.

"Pag-dialysis kasi kada salang mo, may dalawang tusok na titiisin mo hanggang sa matapos 'yung dialysis mo. Apat na oras mong titiisin 'yung itutusok sa'yo na dalawang malalaking karayom," saad ni Dodie. "Pero tinitiis ko na lang po kasi nga po 'yun po 'yung dugtong ng buhay ko."

Masakit para sa ina ni Dodie na si Medina na makita ang sinapit ng kaniyang anak.

"Naaawa nga ako sa kaniya. Palagi akong nagpe-pray, umiiyak dahil hindi ko talaga matanggap na nagkaganon siya," ani Medina.

Ang kada dialysis session, nagkakahalaga ng P3,500.

Dahil sa kaniyang sakit, tumigil na sa pag-aaral si Dodie sa Grade 12, at isinuko na rin niya ang kaniyang pangarap na maging pulis.

Sa ngayon, pinagkakaabalahan ni Dodie ang social media live streams sa pag-asang may tutulong sa kaniyang gastusin sa pagpapagamot.

Umaasa rin si Dodie na maisalang siya sa kidney transplant pero batid niya na mahirap ito dahil sa kakapusan nila sa pinansiyal para gastusin sa operasyon.

"Pangarap ko na sana maka-transplant na ko para maranasan ulit 'yung buhay na normal po. Pero dahil sa walang pinansyal, mahirap, hindi ko na lang po iniisip," dagdag niya.

Ang siyam na taong gulang naman na si Sean, mula sa Iligan City, maaga ring na- diagnose na may Stage 5 CKD.

Napansin daw ng ama ni Sean na madaling mapagod ang anak at hirap sa paghinga.

"Sabi ng doktor na stage 5 na at kailangang i-dialysis ang anak," ayon sa ama.

Ipinaliwanag umano ng mga duktor na maaaring ang problem ani Sean sa mga bato ay problema na ng bata mula nang isilang at maaaring pinalala ng hilig niya sa pagkain ng junk food.

Tatlong beses din sa isang linggo kung magpa-dialysis si Sean pero patuloy pa rin naman siyang nag-aaral.

Ipinaliwanag ng mga eksperto, ang CKD ay isang progresibo at hindi na magagamot na sakit, na kadalasang natutuklasan lamang sa huling yugto na kung kailan malala na at kailangan na ng dialysis.

Kabilang sa mga karaniwang sanhi nito ang diabetes, altapresyon, labis na pag-inom ng soft drinks, at madalas na pagkain ng maalat, matatamis, at processed food.

Upang matugunan ang hindi malusog na gawi sa pagkain, isinusulong ng Department of Science and Technology–Food and Nutrition Research Institute ang Front-of-Pack Labelling, na naglalagay ng malinaw na babala sa mga pagkain na mayroong mataas na asukal, asin, at taba.

Patuloy namang pinaaalalahanan ng mga awtoridad sa kalusugan ang publiko na uminom ng sapat na tubig, bawasan ang pagkain ng hindi masustansya, mag-ehersisyo nang regular, at magpasuri sa doktor, lalo na ang mga may diabetes o altapresyon.

Maaaring tahimik ang mga sintomas ng sakit sa bato kaya dapat itong bantayan at huwag hayaang lumala dahil maaari nitong baguhin ang buhay ng isang tao.

At sa harap ng tumataas na kaso ng CKD sa bansa at mga nagpapa-dialysis, papaano naman kaya nakakatulong ang gobyerno sa mga pasyente sa pamamagitan ng PhilHealth? Alamin at panoorin ang kabuuang ulat na ito sa video. – Carby Rose Basina/FRJ GMA Integrated News