Inihayag ng Korte Suprema na maaaring maging co-owner ng mga ari-arian sa ilalim ng Family Code ang nagsasamang same-sex couples basta kaya nilang patunayan ang kontribusyon nila sa kanilang mga naipundar.

Sa 14-pahinang desisyon, binaligtad ng mga mahistrado ng SC ang naging pasya ng Court of Appeals (CA) at ng regional trial court (RTC) na nagsabing hindi co-owner ng ari-arian ang petitioner sa naturang usapin.

Pinagbigyan ng SC ang reklamo ng petitioner para sa partition of property, at kinilala siya bilang co-owner ng bahay at lupa na kanilang pinagsamahan ng dati niyang kapareha.

Ayon sa SC, ang mga mag-partner na kaparehong kasarian ay saklaw ng Artikulo 148 ng Family Code.

“Considering that petitioner and respondent have the same sex when they cohabited, they are not capacitated to marry each other, and thus, Article 148 governs their property relations,” saad sa desisyon.

Saklaw sa Artikulo 147 ng Family Code ang isang lalaki at isang babae na eksklusibong nagsasama bilang mag-asawa nang walang bisa ng kasal. Ang mga ari-ariang nakuha sa panahon ng kanilang pagsasama ay ipinapalagay na jointly owned o pag-aari nilang dalawa.

Samantala, sinabi ng SC na ang Artikulo 148 ay sumasaklaw sa mga magkasintahan na hindi pinahihintulutang magpakasal. Tanging ang mga ari-ariang nakuha sa pamamagitan ng aktuwal na kontribusyon ang itinuturing na common property.

“Co-ownership exists when the ownership of an undivided thing or right belongs to different persons. By the nature of co-ownership, a co-owner cannot point to any specific portion of the property owned in common as their own because their share in it remains intangible and ideal,” saad pa sa desisyon.

Sa naturang kaso, nagsimulang magsama ang magkapareha noong 2005. Bumili sila ng bahay at lupa sa Quezon City na nasaklaw ng Transfer Certificate of Title makalipas ang isang taon.

Sinabi ng korte na nagkasundo ang magkapareha na iparehistro ang ari-arian sa pangalan lamang ng complainant.

Nang maghiwalay sila, napagkasunduan nilang ibenta ang bahay at lupa at hatiin nang pantay ang mapagbebentahan. Kinilala rin ng complainant na ang kaniyang dating kapareha ang nagpondo at nagbayad ng 50% ng gastusin sa pagbili at pagsasaayos ng nasabing ari-arian.

Subalit kalaunan, tumanggi ang complainant na kilalanin ang petitioner bilang co-owner at hindi ibigay ang kaniyang bahagi.

Sa kaniyang concurring opinion, iginiit ni Senior Associate Justice Marvic Leonen na ang mga ugnayang same-sex ay normal na relasyon.

“To be different is not to be abnormal. A same-sex relationship is a normal relationship and therefore should be covered by Article 148 of the Family Code. Otherwise, we render legally invisible some forms of legitimate intimate relationships,” paliwanag ng mahistrado.

“In interpreting our laws, we should be mindful of the reality that our freedoms should be individually and socially meaningful. This case serves as an instance wherein we can use the law to protect people who are not entirely within its fringes,” dagdag niya.

Samantala, sinabi ng SC na wala itong monopolyo sa pagtitiyak ng kalayaan at karapatan ng mga homosexual couple. Kinakailangan umano ang partisipasyon ng Kongreso at iba pang ahensya ng gobyerno sa pagtugon sa mga karapatan ng mga same-sex couple.

“The process of legislation exposes the experiences of homosexuals who have been oppressed, ensuring that they are understood by those who stand with the majority. Mostly, public reason needs to be first shaped through the crucible of campaigns and advocacies within our political forums before it is sharpened for judicial fiat,” saad sa desisyon.

Bunga ng desisyon, ipinabalik ng SC ang kaso sa Quezon City RTC Branch 87.

Ang desisyon ay isinulat ni Associate Justice Jhosep Lopez, inilabas noong Pebrero 2025 at isinapubliko noong Pebrero 2026. -- Joahna Lei Casilao/FRJ GMA Integrated News