Sa mga magkakapatid na nagkalayo, tunghayan ang kuwento ni Lolo Carlito sa Mindanao na mahigit 60 taon na nawalay sa kaniyang mga kapatid sa Negros Occidental, at muli silang nagkasama-sama. Nangyari ito dahil sa video na naka-post sa social media na makikita sa uniporme ng isang basketball player ang apelyido niya.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ikinuwento ni Leonilo na nasa Calatrava, Negros Occidental, na nagkaroon siya ng kutob na baka may kaugnayan sa hinahanap nilang si Lolo Carlito ang player na nasa Digos City, na napanood niya sa social media na kaapelyido nila.
Batid kasi ni Leonilo na matagal nang hinahanap ng kaniyang Lola Kristina, ang nakatatanda nilang kapatid na si Carlito, na nawalan sa kanila ng komunikasyon mula nang magtungo sa Mindanao noong 1959.
Ayon kay Lola Kristina, 71-anyos, nagbibinata na noon ang 16-anyos pa lang na si Carlito nang maisipan nitong magpunta sa Mindanao kasama ang kanilang kapitbahay para mahanap ng trabaho doon.
Noong una, nakapagpadala pa ng sulat si Carlito para sa kanilang ina para ipaalam ang nangyayari sa kaniya sa Mindanao. Pero dahil hindi marunong magsulat ang kanilang ina, hindi umano ito nakakatugon hanggang sa maputol na ang kanilang komunikasyon sa pamamagitan ng sulat.
Upang malaman kung kamag-anak nga nila ang player na nasa Mindanao, nakipag-ugnayan si Leonilo sa taong nag-upload ng video si Erwin.
Hanggang sa makausap na ni Leonilo ang kapatid ng player na si Ivan, na nasa Australia. Si Ivan, ibinahagi naman na mayroon ngang mga kapatid na hinahanap ang kaniyang lolo.
Nang tanungin ni Leonilo si Ivan kung ano ang pangalan ng kaniyang lolo – walang iba kung hindi si Carlito, na 80-anyos na ngayon.
Ayon kay Lolo Carlito, ilang buwan lang sana ang plano niyang ilalagi sa Mindanao. Pero dahil sa kawalan ng pera para makauwi, palagi itong nauurong hanggang sa magkaroon na siya ng sariling pamilya sa Digos.
Napag-alaman din na hindi pala marunong magsulat at magbasa si Lolo Carlito kaya hindi rin siya basta-basta makaalis na mag-isa. Hindi na rin siya nakatitiyak kung nasa Calatrava pa ang kaniyang mga kapatid para hanapin ang mga ito.
Ngunit sa kabila ng mahabang panahon na nawalay siya sa kanilang pamilya sa Calatrava, hindi naman nawala sa puso at isipan niya ang hangarin na makita muli ang kaniyang mga kadugo.
Ngayon na maayos na ang buhay ng kaniyang mga anak na kaniyang mga napag-aral, muling babalik si Lolo Carlito sa Calatrava upang makapiling ang kaniyang mga kapatid, kabilang ang dalawang kapatid na hindi pa niya kailanman nakikita.
Tunghayan ang madamdamin nilang pagtatagpo at ang kabuan ng kanilang kuwento sa video na ito ng “KMJS.” Panoorin. – FRJ GMA Integrated News
