Dalawang tao ang nasawi habang isa naman ang nasugatan matapos mabangga ng isang wing van truck ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Kumalarang, Zamboanga del Sur noong umaga ng Martes, Mayo 6, 2026.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, sinabing batay sa imbestigasyon ng awtoridad, tinangka umano ng truck na mag-overtake sa motorsiklo habang nasa pababang bahagi sila ng kalsada sa Barangay Poblacion.
Ngunit bigla raw kumaliwa ang motorsiklo na naging sanhi ng banggaan.
Ayon sa mga rumespondeng tauhan mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), dead on the spot ang 20-anyos na rider ng motorsiklo at angkas niyang 20-anyos na babae.
Nasugatan din ang isa pa nilang kasama na 17-anyos.
Nasa kustodiya naman ng mga awtoridad ang 29-anyos na truck driver na mula sa Cagayan de Oro City. – FRJ GMA News
